top of page

Simbahan, may magagawa ba para mapigilan ang giyera?

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jun 29
  • 3 min read

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | June 29, 2025



Fr. Robert Reyes

Pansamantalang tumigil ang bombahan sa pagitan ng Israel at Iran. Hanggang kelan? Ano ang nasa isip ng mga magkatunggaling bansa at ng kani-kanilang mga kakampi? May magagawa ba ang simbahan para mapigilan ang paglaganap ng giyera sa buong mundo?


Ginagawa ngayon ni Papa Leo XIV ang ginawa ni Kristo. Ang makilahok at magsalita para sa kapayapaan at paggalang sa buhay ng lahat. Sa kanyang pinakahuling pahayag, ito ang sinabi ng Papa:“Hindi lumulutas ng problema ang giyera. Lalo nitong pinatitindi at nag-iiwan ng malalalim na sugat sa kasaysayan ng mga tao na hindi madaling hilumin.


Walang armadong tagumpay ang makapapawi sa dalamhati ng mga ina, takot ng mga bata at sa pagkawala ng kinabukasan. Nawa’y tahakin ng mga bansa ang kinabukasan sa pamamagitan ng mga gawain ng kapayapaan at hindi sa marahas at madugong alitan.”


Nang muling nabuhay si Kristo, ilang ulit siyang nagpakita sa kanyang mga nagtatagong disipulo na nanginginig sa takot. At sa bawat pagpapakita, ang kanyang mga unang salita ay, “Sumainyo ang Kapayapaan!” 


Alam ni Kristo ang epekto ng pag-uusig at karahasan. Nawawala ang kalayaan ng tao, nababawasan ang kanyang pagkatao dahil nilalamon ito ng takot. Hindi ba ito ang layon ng giyera? Bago pa tuluyang matalo ang sinumang kaaway, sisikaping sirain at pahinain ang loob ng kaaway para unti-unting mawalan ng lakas at tapang na lumaban ito. Kaya’t kung kakayanin, gagamitin ang matinding puwersa upang lumikha ng nakaririnding takot at pagkatulala sa kaaway (shock and awe).


Dagdagan pa ng kasalukuyang puwersa ng pagkakalat at pagpapalaganap ng propaganda sa social media. Napakadaling lumikha ng mga pekeng video na pabor sa isang panig at laban sa kabila. Kanya-kanyang propaganda, estratehiya para manalo at tuluyan nang magapi ang kaaway. Ngunit sino ba talaga ang kaaway? Sinu-sino ba ang nag-aaway? Iilan lang ba o maraming naghihintay at naninimbang kung kelan at paanong makikialam?


Kahapon, ika-28 ng Hunyo 2025, ipinagdiwang ng Ina ng Laging Saklolo, Project 8 ang ika-59 na taon ng pagkakatatag. Pagkaraan ng pitong kura at pitong konseho pastoral dumaan ang parokya sa maraming pagsubok at unti-unting nakarating sa kinaroroonan nito ngayon.


Dumating tayo sa parokya noong Hunyo 2021. Hindi pa natatapos ang pandemya, habang kagagaling ko lang sa ospital dahil sa COVID 19. Naospital din ang aking ina at sa kasawiang palad ay hindi niya nalabanan ang COVID, na pagkaraan ng 23 araw ay binawian ng buhay. 


Nasubukan ang lahat sa panahon ng pandemya. Napilitang manalig at manalangin sa higit na matinding paraan sa harap ng mahigpit na banta na mahawa, manghina at mamatay. Meron ding ibang uri ng giyera na naganap noong panahon ng pandemya.


Makatutulong na balikan ang ilang aral na tumulong na lumigtas sa marami.

Una, huwag magpabaya at huwag balewalain ang banta ng hawa ng COVID-19.


Pangalawa, linisin ang paligid at higit sa lahat panatilihing malinis ang sariling katawan at maging maingat na hindi lumantad sa mga lugar at taong nakakahawa.

Pangatlo, kumain, mag-exercise at magpahinga ng sapat para may panlaban ang katawan.


Pang-apat, magdasal, magdasal, magdasal. Napakaraming nagsimula ng on-line Masses, prayer sessions, at pagrorosaryo.

Panglima, magsimula ng “support group” ng mga taong handang makinig at makipag-usap sa isa’t isa.


Pang-anim, tumulong, tumulong, tumulong sa mga nangangailangan. Isa ito sa pinakamahalagang leksyon ng pandemya: ang pakikipagkapwa-tao, pagdamay sa mga nangangailangan, nahihirapan at lalo na sa mga nawalan o namatayan.


Salamat sa pandemya, nagkaroon ng pag-igting ng pakikipagkapwa-tao ang marami. Bagama’t naka-lockdown, maraming nagtangka at nagtaya na tumulong at maglingkod sa kapwa. 


Makikita ang pag-asa at kapayapaan sa buhay ng ating Panginoon. Sa kanyang walang tigil, walang pagod na pagtulong sa kapwa, pinalaganap ni Kristo ang pag-asa. Saan man siya magpunta, sinikap niyang makipag-usap at lumikha ng kapaligiran ng pag-uusap, pagbabahaginan at pagtutulungan.


Sa halip na pairalin natin ang takot at pag-aalala, mas magandang magsimula na tayong lumikha ng mga programa ng pagtulong at pakikipag-usap upang mapawi ang takot at kawalan ng pag-asa. Ito ang buhay ng ating Panginoong Hesus Kristo. Ito ang hamon na ibahagi at patatagin sa lahat ng mga grupo, pamayanan at parokya. Amen.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page