Silver Glow at Red Sole, wagi kay jockey Jomer
ni Green Lantern @Renda at Latigo | January 12, 2022
Dalawang kabayo ang naipanalo ni jockey Jomer Marcelo Estorque noong Linggo sa pista ng Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas.
Inakbayan ni 26-year-old Estorque sa panalo si Silver Glow sa naganap na PHILRACOM Rating Based Handicapping System na nilarga sa pangatlo karera.
Niilista ni Silver Glow ang tiyempong 1:26.4 minuto sa 1,400 meter race sapat upang hamigin ang P10,000 added prize para sa winning horse owner.
Pangalawang tumawid sa meta si Sun Dance habang pumangatlo si Bishop Blue na ginabayan ni CM Pilapil.
May bansag na Iron Man, inangklahan naman sa panalo ni Estorque si Red Sole sa Race 9 na isa ring PHILRACOM-RBHS race. Nirehistro ni Red Sole ang 1:26 minuto sa 1,400 distansya, nagsaya ang mga dehadista sa pagkakapanalo ng kabayo.
Sumegundo si Bocaue Rivertown, pangatlo si Cash Is King habang pang-apat si Nards Bentetres. Hinamig naman ng may-ari kay Red Sole na si LM Javier Jr. ang P10,000 karagdagang premyo.
Samantala, pagkatapos ng karera kahapon ay bukas na ang susunod na racing schedule sa Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI).





Comments