top of page
Search
  • BULGAR

Sila raw ni Francine ang kapalit nina Kathryn at Daniel… "AYAW NAMIN NA MAGING KATHNIEL" — SETH

ni Vinia Vivar @Frankly Speaking | April 25, 2024





IDINEKLARA nina Seth Fedelin and Francine Diaz na hindi nila papalitan ang KathNiel nang tanungin sila kung ano ang masasabi nila na sila na ang the next Daniel Padilla and Kathryn Bernardo.

“Gusto po naming makilala as Seth and Francine, FranSeth. Ang KathNiel po is gusto naming marating kung ano ‘yung narating nila pero hindi para palitan. Iniidolo po namin sila sa paraan na kung ano ‘yung nakamit nila. ‘Yun ang pangarap namin. Kung saan sila nakapunta, sana makapunta tayo sa sarili namin pong paraan,” pahayag ni Seth sa mediacon ng pelikulang My Future You na pagbibidahan nila ni Francine.

“Eto, talagang malaking challenge sa amin ‘tong pelikulang ‘to, itong taon na kauna-unahan naming movie, so espesyal siya,” dagdag pa ng aktor.

Inayunan naman ni Francine ang sinabi ni Seth. 

Aniya, “Hindi naman po talaga namin kayang palitan ang KathNiel kasi ibang-iba rin naman po ‘yung path nila kung paano sila naging successful. But uulitin ko lang din po, kami ni Seth, gusto naming makilala as ourselves, as FranSeth. ‘Yun po. Pareho naman kaming praying and hoping na kung anuman ‘yung success na natamasa nila, marating din namin ‘yun, pero sa sarili naming paraan.”

Ayon pa kay Seth, never daw siyang magiging Daniel Padilla simply because he’s Seth. 

“Hindi ako magiging Daniel. Napakalabo pong mangyari niyan. Ang FranSeth, hindi po ‘yan magiging KathNiel. Ayaw namin na maging KathNiel. Gusto naming maging FranSeth,” sey ni Seth.

Hindi raw biro ang narating ng KathNiel kaya bago raw nila ito marating ay hindi rin daw biro ang kanilang pagdaraanan.

Nilinaw naman agad ni Francine na mahal daw nila ang KathNiel at naging friends nila ito. 

“Actually, si Ate Kath din po, kapag nagkakasabay kami sa trabaho, nagbabatian kami at mabait po sa akin si Ate Kath and si Kuya DJ,” sabi ni Francine.

Samantala, excited na ang FranSeth sa shooting ng My Future You na magsisimula na ngayong Mayo mula sa direksiyon at panulat ni Cris Aquino under Regal Entertainment, Inc. 

Kasama rin sa movie sina Almira Muhlach, Christian Vasquez, Pewee O’Hara, Bodjie Pascua, Mosang and Vance Larana.


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page