Sikreto, ‘wag daw maging magdyowa… VILMA AT BOYET, TINALO ANG KATHNIEL SA TAGAL NG LOVE TEAM
- BULGAR
- Dec 9, 2023
- 3 min read
ni Janiz Navida @Showbiz Special | December 9, 2023

Akala n’yo lang walang forever, pero meron, meron, meron!!!
True! At ‘yan ay sa tambalang Vilma Santos at Christopher de Leon na nag-umpisang magsama sa pelikulang Tag-ulan sa Tag-araw pero after more than 40 yrs., heto at buhay na buhay pa rin ang kilig at chemistry nila na muling makikita sa MMFF 2023 entry na When I Met You In Tokyo.
Ang sarap ng kuwentuhan at pagse-share nina Ate Vi at Sir Boyet sa mga entertainment editors na ipinatawag ng mga producers ng WIMYIT kung saan binalikan nga ng dalawa kung paano nagsimula ang kanilang tambalan at kung paano nabuo ang kakaibang chemistry na may ‘magic’ dahil kahit sabihin pa ngang hindi naman talaga sila nagkaroon ng relasyon sa totoong buhay, eh, klik na klik sa manonood ang kanilang love team onscreen.
Aminado si Sir Boyet na nagkaroon din naman siya ng atraksiyon noon kay Ate Vi. Kaso nga, nang una silang magtambal, kasal na siya kay Superstar Nora Aunor habang si Ate Vi naman ay lihim na ring ikinasal sa tatay ni Luis Manzano na si Edu Manzano.
At sa tuwing may ginagawa raw silang project together, pareho rin silang may dyowa o karelasyon kaya bakit nga naman daw nila sisirain ang tahimik nilang buhay dahil lang nadala sila sa mga intimate moments na ginagawa nila sa movie?
Natatawa lang na kuwento ni Sir Boyet, o Bro Bo para sa mga showbiz friends niya, naalala niya na kapag nagsu-shooting sila ni Ate Vi noon, may BF ng aktres na pumupunta sa shooting kaya ang hirap daw para sa kanya na mag-internalize lalo’t kissing o love scene ang gagawin nila ng kapareha.
Pero dahil pareho nga silang professional ni Ate Vi at ‘yun daw talaga ang inisip nila para hindi masira ang kanilang trabaho, nagkasundo sila na mas okay nang love team lang talaga sila at bilang mga aktor ay umaarte lang at walang personalan, ‘ika nga.
Kaya nga nang mahingan sila ng payo para tumagal ang isang tambalan lalo’t usung-uso ngayon ang hiwalayan among showbiz couples na nag-start sa love team like KathNiel and LizQuen, ang binitawang pahayag nina Ate Vi at Sir Boyet, “Be professional. Iarte n’yo lang ‘yan but never fall for your partner.”
Oh, ha? ‘Yun ang malupeeet na sikreto ng tambalang Vilma-Boyet na muli ngang magpaparamdam sa atin na “Love knows no age” sa kanilang When I Met You in Tokyo na mula sa direksiyon nina Conrado Peru at Rommel Penesa at nag-associate director din pala rito si Sir Boyet.
Showing na ang movie sa Dec. 25 as one of the 10 official entries sa MMFF 2023.
Nabigo sa Kanong tatay ng anak…
POKWANG, GAME NANG PUMATOL SA BAKLA O TOMBOY

Ewan kung seryoso si Pokwang sa statement niya sa mediacon ng Becky and Badette na MMFF 2023 entry naman ng Idea First Company at pinagbibidahan nila ni Eugene Domingo na welcome na sa kanya kahit bakla o tomboy basta may paninindigan.
Obviously, may pa-shade pa rin ito sa tatay ng kanyang anak na si Malia na si Lee O’Brian na nang-iwan sa kanilang mag-ina.
Pero sabi nga ni Pokee, sa panahon ngayon, ‘di na importante kung tunay na lalaki o hindi, dahil mas mahalaga nga naman ‘yung kaya siyang panindigan.
Pero nilinaw naman ni Pokwang na hindi pa siya handang magmahal uli at ang focus niya sa ngayon ay ang kanyang mga anak, ang kanyang showbiz career at mga negosyo.
Mas okay nga sigurong ituluy-tuloy na ni Mamang Pokwang ang positive vibes at mahawa na lang sa good vibes na hatid ng kanyang BFF-kumareng si Eugene Domingo para pak na pak din sa box office ang kanilang Becky and Badette na mula sa direksiyon ni Jun Robles Lana at showing na sa Dec. 25 in all cinemas nationwide.





Comments