top of page
Search
  • BULGAR

Sikat na abogado at amuyong ng gobyerno, lakas mag-set ng event para lang magpa-‘pogi’

sa mga businessman.



ni Chit Luna - @Yari Ka! | May 31, 2021



Isang miyembro ng Gabinete ng kasalukuyang administrasyon ang pirming bumabangka sa mga pulong na kanyang dinadaluhan. Ang kanyang birit — pinakikiusapan daw siya ng kanilang amo na tumakbo sa isang mataas na puwesto sa gobyerno sa ilalim ng tiket ng administrasyon.


Matagal nang nag-aambisyon ang ating bida sa nasabing puwesto — isang de-kampanilyang abogadong nagsilbing tagapagtanggol ng mga sikat na pusakal na pawang nasintensiyahan.


Ang iba sa kanila’y binuo ang sintensiya, ang iba nama’y kinamatayan na ang apela habang meron ding hanggang ngayon ay nabubulok pa sa selda.


Sa programa nito sa radyo, hindi niya masabing siya’y pinakikiusapang tumakbo. Pero ‘wag ka, sa mga inuman at kantahan, kahit mahigpit na ipinagbabawal ang mga ganitong aktibidades bunsod ng patuloy na panganib ng nakamamatay na COVID-19, aba’y bukambibig nito ang nasabing kuwento.


Maging sa pakikipag-meeting niya sa ilang kapitalista, ‘yun din ang kanyang ibinibida na parang patutsada sa kanyang primerong pakay — ang mangalap ng pondo para sa kampanya.


Ayon sa negosyanteng ating nakakuwentuhan kamakailan, panay birit ang payatot nating bida. Ang siste, bawal sumabat o magtanong man lamang — siya lang ang puwedeng bumangka ng kayabangan. Hindi rin naman daw nila kayang salingin ang hitad dahil bahagi siya ng administrasyon.


Ang masaklap, nang matapos ang inuman at konsiyerto — tama, konsiyerto dahil bawal din siyang agawan ng mikropono — pa-low-profile ang kumag! Ayaw bumunot gayung siya ang pasimuno ng pagkikita-kita nila sa de-kalibreng hotel sa labas ng Metro Manila.


Ang higit pang ikinabugnot ng ating kaibigang negosyante ay ang huling salitang namutawi sa labi ng mokong na nagsabing, “Dapat siguro ay gawin nating madalas itong ating bonding.”


Bakit nga naman hindi, eh, pabor na pabor sa hinayupak na ‘to ang pa-event. ‘Kalokah!


Ang tanong: ilang grupo ba ang kanyang inaawitan para sa kanyang kandidatura? Ang sagot? hindi lang isang grupo — kung magkano, hindi bababa sa P600 milyon ang target niyang malikom bilang paunang pondo. Oo, paunang pondo pa lang ‘yun.


Ibang klase talaga ang hilatsa ng mukha nito, may hawig sa butiki pero ang ugali ay hindi nalalayo sa ‘buwaya’.


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page