top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg
Search

ni Chit Luna - @Yari Ka! | June 08, 2021



Isang frustrated politician ang laman ngayon ng social media dahil sa aniya’y panunuba nito sa may-ari ng condominium unit sa Metro Manila, kung saan siya nanuluyan ng ilang buwan nito lamang nakaraang taon.


Ang ating bida ay dating celebrity na paulit-ulit na nabigong makasungkit ng panalo sa pulitika. Tumakbo na itong senador at alkalde, kung saan naging mayor ang kanyang ex-husband na komedyante.


Ang siste, nakiusap siya sa kapatid ng kanyang staff para rentahan ang nasabing condo unit. Kahit ayaw ng may-ari, pumayag ito dahil sa dating aktres naman daw nagtatrabaho ang kanyang kapatid.


Matapos nitong magbigay ng P35, 000 ay agad siyang nanirahan dito sa loob ng anim na buwan at saka nilisan nang wala man lang paalam. Natuklasan ito nang papuntahin niya ito noong March 9, na wala na ang aktres at putol na rin ang kuryente at tubig sa condo unit.


Bukod sa hindi nito pagbabayad ng upa para sa limang buwan, nag-iwan pa ito ng P40, 000 na bayarin sa kuryente at hindi niya masabi ang eksaktong halaga ng bayarin sa tubig. At ang masaklap, iniwan din umanong saksakan ng dugyot ang condo unit. ‘Kalokah naman ‘yan!


Nakilala na pinilakang-tabing ang dating aktres bilang bold star. Sa kanyang pagiging artista ay nakilala nito ang comedian-producer na kalaunan ay kanyang naging asawa.


Matapos ang ilang taon nitong pakikisama sa super-yamang comedian-producer, iniwan niya ito at sumama sa isa pang komedyante na nahalal na mayor sa Metro Manila.


Nang matapos ang termino ng dating mayor, sila’y nagkahiwalay ng landas. Mula noon, nagpapalit-palit na rin siya ng asawa — at take note, lahat ng kanyang naging jowa ay kilalang mayayamang pulitiko.


Dahil may edad na, at hiwalay na rin siya sa kanyang pinakahuling ‘pakner’, wala nang sumusuporta sa kanya — kaya ang resulta ay suba rito, suba roon.

 
 

sa mga businessman.



ni Chit Luna - @Yari Ka! | May 31, 2021



Isang miyembro ng Gabinete ng kasalukuyang administrasyon ang pirming bumabangka sa mga pulong na kanyang dinadaluhan. Ang kanyang birit — pinakikiusapan daw siya ng kanilang amo na tumakbo sa isang mataas na puwesto sa gobyerno sa ilalim ng tiket ng administrasyon.


Matagal nang nag-aambisyon ang ating bida sa nasabing puwesto — isang de-kampanilyang abogadong nagsilbing tagapagtanggol ng mga sikat na pusakal na pawang nasintensiyahan.


Ang iba sa kanila’y binuo ang sintensiya, ang iba nama’y kinamatayan na ang apela habang meron ding hanggang ngayon ay nabubulok pa sa selda.


Sa programa nito sa radyo, hindi niya masabing siya’y pinakikiusapang tumakbo. Pero ‘wag ka, sa mga inuman at kantahan, kahit mahigpit na ipinagbabawal ang mga ganitong aktibidades bunsod ng patuloy na panganib ng nakamamatay na COVID-19, aba’y bukambibig nito ang nasabing kuwento.


Maging sa pakikipag-meeting niya sa ilang kapitalista, ‘yun din ang kanyang ibinibida na parang patutsada sa kanyang primerong pakay — ang mangalap ng pondo para sa kampanya.


Ayon sa negosyanteng ating nakakuwentuhan kamakailan, panay birit ang payatot nating bida. Ang siste, bawal sumabat o magtanong man lamang — siya lang ang puwedeng bumangka ng kayabangan. Hindi rin naman daw nila kayang salingin ang hitad dahil bahagi siya ng administrasyon.


Ang masaklap, nang matapos ang inuman at konsiyerto — tama, konsiyerto dahil bawal din siyang agawan ng mikropono — pa-low-profile ang kumag! Ayaw bumunot gayung siya ang pasimuno ng pagkikita-kita nila sa de-kalibreng hotel sa labas ng Metro Manila.


Ang higit pang ikinabugnot ng ating kaibigang negosyante ay ang huling salitang namutawi sa labi ng mokong na nagsabing, “Dapat siguro ay gawin nating madalas itong ating bonding.”


Bakit nga naman hindi, eh, pabor na pabor sa hinayupak na ‘to ang pa-event. ‘Kalokah!


Ang tanong: ilang grupo ba ang kanyang inaawitan para sa kanyang kandidatura? Ang sagot? hindi lang isang grupo — kung magkano, hindi bababa sa P600 milyon ang target niyang malikom bilang paunang pondo. Oo, paunang pondo pa lang ‘yun.


Ibang klase talaga ang hilatsa ng mukha nito, may hawig sa butiki pero ang ugali ay hindi nalalayo sa ‘buwaya’.


 
 

ni Chit Luna - @Yari Ka! | May 29, 2021



Mistulang destabilization ang ginagawa ng tropa ng isang opisyal ng gobyerno sa gitna ng patuloy na pananalasa ng pandemya. Ang kanyang diskarte — magpalista para sa P10-K ayuda.


Batid ng nasabing opisyal ng gobyerno na nagkukumahog ang pamahalaan sa paghahanap ng salaping tutugon sa pangangailangan ng mga bakuna kontra COVID-19, pero patuloy na nag-iikot ang mga tao ng ating bida sa pampublikong lugar at munisipalidad upang magpakalat ng fake news.


Sa kanilang pag-iikot, nagpapalista sila sa mamamayan para umano makatanggap ng P10-K ayuda. Sa katunayan, sa isang lungsod sa South ay lumapag ang nasabing grupong nagpakilalang empleyado at napag-utusan para sa pagpapatala.


Ang resulta — dinumog ito ng mga tao, sukdulang magkapalit ng mukha sa siksikan. Tunay namang kapani-paniwala lalo pa’t sumampol sila ng pamumudmod sa isang pang lungsod sa South din.


Sa pag-arangkada nito, sapul na sapul ang kanyang target — ang mapaniwala ang mamamayan sa P10-K ayuda na kanyang isinusulong at ang magalit ang sambayanan kalaunan dahil wala talagang pondo ang gobyerno.


Sukdulang panggugulo ang ginagawa ng ating bida bilang paghahanda sa susunod na national elections.


Sa kanyang pagbisita sa South, namahagi ito ng P10-K “ayuda” sa 300 benepisaryo ng kanyang programa, bilang tugon aniya sa kinahaharap na krisis ng bansa.


Kasabay ng pamamahagi ng salapi, hinimok din niya ang mga residente na hanapin sa kani-kanilang gov’t official ang P10-K ayuda para sa kanila.


Ang hindi alam ng marami, ibinasura na ang panukala nitong P10-K ayuda sa bawat pamilyang Pilipino o P1, 500 kada miyembro — kung alinman ang nakahihigit. Hindi isinama sa consolidated House committee on economic affairs version ang kanyang iniakda para sa Bayanihan 3.


Banat pa nito, bahagi ng kanyang adbokasiyang bigyan ang mga pamilyang Pilipino ng tulong-pinansiyal na maaari nilang gamitin pambili ng kanilang pangunahing pangangailangan at muling buhayin ang maliliit na negosyo.


Ang totoo, maging ang Kamara na nagpasa kamakailan ng Bayanihan 3 ay hindi natukoy kung saang kamay nila huhugutin ang mahigit 400-B pondong kailangan para sa pagbabakuna ng 70 porsiyento ng populasyon ng bansa.

Isa pang katotohanan, nais lamang niya na malayang makapag-ikot na para bagang nangangampanya, pero sa huli ay wala namang darating na ayuda.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page