SIGAW NI OGIE: WILLIE, NANUNUMBAT NG NAITULONG KAYA INIIWASAN NG MGA ARTISTA
ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters! | September 22, 2022

Hindi nagustuhan ng Wowowin host na si Willie Revillame ang pagpuna ng content creator at talent manager na si Ogie Diaz sa hindi magandang audio at sound system ng ALLTV noong nag-soft-opening ito last Sept. 13.
Nag-viral kasi ang sinabi ni Ogie nang mapanood niya ang production number ni Toni Gonzaga-Soriano na hindi nga maganda ang tunog ng bagong TV network na AMBS 2 at ikinumpara pa ito sa dating programang GMA Supershow ni German ‘Kuya Germs’ Moreno sa GMA-7.
Sumagot si Willie sa programa niyang Wowowin, na kahit na hindi binanggit ang pangalan ni Ogie ay halatang siya ang pinatamaan nito.
“Minsan, nakakasama ng loob. Pinupuna pa ‘yung pagkakamali namin. Mahirap magpuna ng pagkakamali ng kapwa mo, tingnan mo muna ‘yung sarili mo. Huwag na tayong pumuna. Isipin mo ‘yung ilang taong tinulungan ng station na ito.”
Sa Showbiz Update vlog ni Ogie kasama sina Mama Loi at Tita Jegs ay ipinaliwanag ng una ang pagpuna niya.
“Kuya Wil, ano ba dapat ang pinupuna, ‘yung tama o ‘yung mali? O ‘yung kulang o ‘yung kapos?
O mas maganda kung ito ang gagawin, ‘di ba?” pahayag ni Ogie.
Dagdag pa, “Siyempre naman, ‘pag kapuri-puri, pinupuri naman, Kuya Wil. Grabe ka naman, ako lang ba (pumuna ng sound system at audio)? Wow, ang laki-laki ko namang tao kung ako ‘yun.
Kuya Wil, I love you, alam mo ‘yan. Pero sa pagkakataong ganito, dapat naririnig niya kung ano ‘yung sentimyento, pagpupuri o opinyon ng mga taong nanonood, given the fact na mag-uumpisa pa lang ang ALLTV.
“Constructive naman ‘yun, Kuya Wil. Sana, marunong tayong tumanggap ng kritisismo lalo na’t ang tagal-tagal mo na sa industriya. Dapat, alam mo na ‘yan.”
Hirit naman ni Mama Loi, “Saka si Kuya Wil, ‘di ba, may pagka-perfectionist siya?”
Sagot pa ni Ogie kay Willie, “Ngayon, kung sasabihin ni Kuya Wil sa atin na ‘Maganda ang sound system namin,’ eh, di sorry. Hindi naman niya sinabi, so ibig sabihin, aminado siya na may pagkukulang.”
Nabanggit pa na maraming natulungang walang trabaho ang istasyon kung saan konektado si Willie.
“That’s beside the point. ‘Yung kalidad, ‘yung production values ang pinupuna, hindi naman ‘yung mga taong tinutulungan.
“Kung tumutulong tayo sa mga tao, mas maganda ‘yung mga tumutulong para mas mapaganda pang lalo ‘yung production value ng show na ‘yan at ng kabuuan ng network na ALLTV.
“Saka kapag ganito na lagi nating sinasabi na may mga tao tayong tinutulungan sa istasyon na ito, panunumbat ‘yun. Parang may himig panunumbat at pagdating ng araw, may sumbatan ding magaganap.
“Kaya ‘di ba, may nabalitaan din tayo na ‘yung mga artista, ayaw na si Willie ang lalapit sa kanila para hatakin sila roon sa AMBS 2 or ALLTV (kasi) gusto nila, ibang tao na mula sa management ng ALLTV ang mag-iimbita sa kanila kasi ayaw nilang nasusumbatan sila,” esplika ni Ogie.
May nakausap daw kasing artista ang online host na nagsabing baka raw pagdating ng araw ay sabihan siya na pasalamatan si Willie on air o kaya, sabihin nito sa ere na, “O, ‘di ba, tinawagan kita, sabi ko sa ‘yo, eh, maghintay ka lang.’ Parang ipamumukha na, ‘Oh, ako nagpasok sa ‘yo dito (ALLTV).’
“Eh, ‘yun ho ang ayaw ng ibang artista kaya gusto nila from ALLTV management ang kumuha sa kanila, hindi si Willie. ‘Yun ang narinig ko naman,” saad pa ni Ogie.
Dagdag pa ni Ogie, “Parang hindi marunong tumanggap ng negativity o constructive criticism si Kuya Wil. Parang mas gusto niyang pinupuri siya, napupuri ‘yung kanyang effort kasi siyempre, pioneer diyan si Kuya Wil, ‘di ba?”
Anyway, masaya raw si Ogie na makita ang mga dati niyang kasamahan na nawalan ng trabaho na nasa ALLTV na ngayon dahil kailangan nila ng maraming trabaho.





Comments