Si Ninoy, ang EDSA at ang Martial Law
- BULGAR
- Aug 21, 2022
- 3 min read
ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | August 21, 2022
Ika-21 ng Agosto, 1983, bumalik ng Pilipinas, sakay ng eroplano ng China Airlines ang mamamayang galing sa Estados Unidos upang magpa-opera sa puso. Ilang taon din siyang nanatili sa Estados Unidos hindi lang upang magpagaling kundi upang pansamantalang ilayo ang sarili sa panganib at kapahamakan na nakaamba sa kanya mula nang simulan niyang hamunin ang pangulong naging diktador. Ngunit matindi ang panawagan ng kanyang mamamayan sampu ng Inang Bayan at ng kanyang konsensya. Kailangang bumalik upang ipaglaban ang kalayaan ng iyong mga kababayan at ng Inang Bayan. Malinaw ang panganib dahil sa sari-saring bantang kumakalat na huwag siyang babalik sa kanyang bansa kung nais pa niyang mabuhay. Ngunit, merong higit pa kaysa sariling buhay. Higit na mahalaga sa kanya ang katotohanan at ang malayang pamamahayag nito.
At minsang sinabi niya noong siya’y nakakulong sa Nueva Ecija, “I believe the cause delaying our liberation may be found in ourselves; in our reluctance to assert our rights and frontally confront the forces of evil. We are afraid to die and our fear has immobilized us. We have forged our own chains with our cowardice!”
Kamag-anak ng takot ang katamaran at malapit din na kamag-anak ng katamaran ang hindi pag-iisip o hindi pagsusuri ng mga pangyayari sa lipunan, sa mundo at sa kapaligiran. Takot, katamaran, mababaw o hindi kritikal na pag-iisip o pag-iisip na walang pagsusuri. Itong tatlong sakit ang unti-unting lumaganap at sadyang pinalaganap pa ng mga nagdaang administrasyon. Dahil malinaw ang epekto sa taumbayan at sa lipunan ng takot ito ay palaging ginagamit ng mga nasa kapangyarihan. Gamit na gamit ito noong panahon ng Martial Law. Nagkaroon ng curfew; regular na hulihan ng mga aktibista; alam ng lahat kung ano ang ibig sabihin ng salvaging at hamletting; nasanay ang mga sundalo at pulis na gumamit ng tortyur sa mga nasa piitan; kontrolado at mahigpit na binabantayan ang media; nagkalat ang mga sundalong may dalang baril at mga pulis na may baril at batuta. Ito ang Martial Law ni Ferdinand Marcos, Sr.. Ito ang paghahari ng takot (Reign of Terror).
At pagkaraan ng 18-taon, umuwi ang magiting na mamamayan dahil niyang magsalita at labanan ang pananakot at panunupil ng kalayaaan ng pangulong siyang dahilan ng kanyang pag-alis. Umuwi noong ika 21 ng Agosto 1983 si Ninoy Aquino. At ito ay pinatay sa pagbaba na pagbaba pa lang nito ng eroplano. At ang hindi niya nagawa ng buhay ay natupad at pinalaganap pa na parang matindi at laganap na sunog. Nag-apoy ang mga isip, diwa, puso at kaluluwa ng mga natatakot at marahil natutulog na rin ang mamamayan. Sa sumunod na talong taon hanggang ika-22-25 ng Pebrero 1986, bumangon at nanindigan ang mamamayan Pilipino. Naganap ang pinaka-unang EDSA, ang pinaka-unang People Power Revolution sa ating bansa. Pinalayas ang diktador at ang kanyang pamilya at tinulungan itong lumikas patungong Estados Unidos ng kanilang kaibigang presidenteng Ronald Regan.
Mula noon hanggang ngayon, nakita ko kung paano napalitan ang takot ng katamaran at pagiisip na mababaw at walang pagsuri. Hindi na napansin kung paanong bumalik at muling naging makapangyarihan ang dating pinatalsik. Naging lubhang pabaya at kampante ang marami at ng dating mahigpit ang pagbabantay at pakikibaka. Lumiit ang puwersa ng mga nagsasalita at nagbabantay at marami na ding tumikim ng luho at kapangyarihan na nagbago na din ang pag-iisip, pananaw at pamumuhay. Ngayong linggo ay ika-39 anibersaryo ng pagpatay kay Ninoy Aquino, dapat nating muling tingnan, pagnilayan, pagdasalan at pasalamatan ang kabayanihan ng pag-alay ni Ninoy Aquino ng kanyang sariling buhay. Buhay na buhay pa po ito sa kamayan ng marami. Buhay na buhay po si Ninoy… buhay na buhay pa din ang EDSA at hinding-hindi mamamatay ang pag-asa.








Comments