Si Andrea o si Francine? SETH, MAY TINAWAG NA 'MAHAL', HUMINGI NG SORRY DAHIL 'DI KATABING MATULOG
Updated: Jan 26, 2022
ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters! | January 26, 2022

Sino ang tinawag na ‘Mahal’ ni Seth Fedelin para mag-goodnight at paggising nito ay ipaghahanda raw niya ng almusal na itlog at hindi na niya kakalimutang lagyan ng asin dahil sumablay siya noong una?
Sa apat na aktor na sumalang sa Truth or Dare benefit interactive show ng Kapamilya Network na sina Darla Sauler at Alora Sasam ang mga hosts para sa mga biktima ng bagyong Odette nitong Sabado ay namumukod-tanging si Seth ang may kuwento tungkol sa kanyang ‘mahal.’
Kaya naman pati ang Chief Operating Officer ng ABS-CBN na si Ma’am Cory Vidanes ay na-curious kung sino si ‘mahal.’
Bukod kay Seth ay kasama rin sa Truth or Dare sina Joao Constancia, Jeremy Glinoga at Jameson Blake na nagpakita rin kung paano mag-goodnight sa taong minamahal with matching kiss pa.
Anyway, narito ang buong pahayag ng aktor tungkol sa kanyang ‘mahal.’
“Napakasimple lang naman ng mensahe ko, ‘Uy, Mahal, unang-una, pasensiya ka na dahil magiging malamig ang gabi mo dahil hindi mo ako kayakap at walang yumayakap sa ‘yo.
Hayaan mo, malay mo, paggising mo, nandiyan na ako sa tabi mo, ipaghahanda kita ng itlog, hindi ko makakalimutan ‘yung asin, ah, kasi sumala nu’ng una, promise, mag-aaral akong magluto para sa ‘yo.'
“'At ‘yun, Mahal, dadalawin kita sa panaginip ko, pipilitin kong lumakbay diyan sa utak at puso mo. Kahit tulog ka, tandaan mo, panatag ang loob mo na pagmulat ng mga mata ko, ikaw pa rin ang hahanapin at ‘yun, mahal na mahal kita (sabay flying kiss).'”
Say kaagad ni Darla, “'Yan ba ang hindi sanay? Parang lagi siyang may ginagawang ganyan. Ano'ng tingin n’yo, guys?”
Biglang hirit ni Alora, “Ay, may nagpapatanong, sino raw si Mahal?”
At ibinuking ni Seth kung sino ang nagpapatanong, “Si Tita Cory kasi ang nagpatanong, nalaman ko (sabay tawanan ang lahat)."
“Huy, sagutin mo. Nagbagsak si Tita Cory (via Kumu), sagutin mo ‘yan,” diin ni Alora.
“Tita Cory, siguro po, kayo ang unang sasabihan ko bago silang lahat, kaya message ko na lang kayo, Ma’am,” tumatawang sabi ng aktor sa Kapamilya executive.
Binanggit din ni Alora na maraming kinilig sa pa-goodnight ni Seth sa kanyang 'Mahal' at maraming nagpadala sa Kumu.
May nagtanong kay Seth via YouTube at nagpadala ng HK$25 sa tanong na, "Truth for Seth, life is forever na ba talaga? Please answer."
“Ito, ah, SethDrea will conquer the world at siguro naman, sa sinabi kong ‘yan ay nasagot ko na ‘yung tanong n’yo, siyempre, SethDrea forever,” sagot ng aktor.
Sa madaling salita ay hinding-hindi mawawala at hindi iiwan ni Seth ang love team nila ni Andrea Brillantes anuman ang mangyari.
At dahil sa magandang pahayag na ito ng binatilyo ay nagbagsak ng Diamond shower si Ma’am Cory, pati ang Dreamscape Entertainment head na si Deo T. Endrinal ay nagpadala rin, gayundin sina Louie Andrada at Direk Ruel S. Bayani ng RSB unit.
May pahabol na tanong ulit kay Seth kung ano ang pinakakilig na mensaheng ipinadala niya sa isang babae para sa 300K diamonds na ipinadala ng supporter niya.
“Kailangan bang i-reveal kung sino? Sige, ito ‘yung text ko, ‘Kakarating ko lang ng bahay, tapos na akong kumain at maya-maya, papasok na rin ako sa Zoom,” pabiting sabi ng aktor.
Kinukulit na siya ng lahat kung sino ang pinadalhan niya ng mensahe, “Teka, tatapusin ko pa, hindi pa nga, eh, long sweet message,” sambit ni Seth.
Sa pagpapatuloy niya, “Gusto ko ulit ipaalala sa ‘yo kung ano ‘yung tayo, saan tayo nagsimula, alam natin sa isa’t isa ‘yung mga bagay-bagay, ‘yun naman ang nasabi ko sa kanya at naintindihan na niya ‘yun, let’s conquer the world.”
Ilang sandali pa ay nagsabi ang aktor ng, "I miss you," saka sinabayan ng tawa at umalis sa kamera.
Sabi ni Alora, “Naku, parang alam na namin kung para kanino ‘yun.”
Dine-dare si Seth na ipakita ang messages pero hindi niya magawa dahil gamit niya sa Zoom ang cellphone at kaya saulo niya ay dahil galing sa puso niya ang lahat ng mga sinabi niya.
Hindi man binanggit ni Seth ang pangalan ng babaeng pinadalhan niya ng mensahe ay iisa naman ang nasa isip ng lahat, si Andrea Brillantes ito, kaya maraming kinilig sa mga pahayag ng aktor.





Comments