Shuttlers, naka-3 gold sa doubles event ng Benin
ni VA - @Sports | September 14, 2022

Winalis ng national badminton team lahat ng tatlong doubles event ng 2022 Benin International sa pagtatapos ng kompetisyon upang makapagwagi ng tatlong gold medals sa mga larong idinaos sa Gymnase Institut Régional de Santé Publique sa Ouidah noong Linggo.
Kinopo nina Alvin Morada at Yssa Leonardo ang dalawa sa nasabing gold medals kabilang na ang mixed doubles na nagkaroon ng all-Filipino finals.
Ginapi nina Morada na isang National University alumnus at Leonardo na produkto naman ng De La Salle University ang kapwa Filipino na sina Christian Bernardo at Thea Pomar, 21-13,18-21, 21-17, para sa mixed doubles gold.
“It was a great performance for the players these past two tournaments in Africa, and to have both pairs in the finals in mixed doubles showed what we can do,” pahayag ni head coach Rosman Razak.
Nauna rito, pinadapa nina Morada at Bernardo sina Nigerian Saddam Sidi Rufai at Khalil Safana Shamsuddeen, 21-12, 21-9, sa finals ng men’s doubles habang namayani sina Leonardo at Pomar ang mga Egyptians na sina Jana Abdelkader at Nour Ahmed Youssri, 21-13, 21-17, para magkampeon sa women’s side.
Bigo naman ang mga singles players na sina Jewel Angelo Albo at Mika de Guzman na makalagpas ng second round.
Natalo si Albo kay Malaysian Kim Sheng Chua, 10-21, 21-8, 19-21, habang yumukod naman si De Guzman kay third seed Amro Domou ng Jordan, 21-19, 16-21, 14-21.





Comments