Show nila nina Jolens at Melai, nilayasan… KARLA, KAKARIRIN NA ANG PAGIGING PUBLIC SERVANT
ni Julie Bonifacio - @Winner | July 24, 2022

Punumpuno ng pasasalamat si Karla Estrada sa Magandang Buhay at sa mga kapwa niya momshies na sina Jolina Magdangal at Melai Cantiveros sa limang taon nilang pagsasama sa farewell episode niya sa programa nitong Biyernes (Hulyo 22).
“Nag-uumapaw ang puso ko sa pasasalamat. Babaunin ko sa bagong yugto ng aking buhay ang mga itinurong kuwento ng aking Magandang Buhay. Thank you, Momshie Jols and Momshie Mels, dahil sa journey natin na may pare-pareho tayong hinarap. Alam ko na hindi ako nawala sa isip n'yo, at kayo naman dalawa ay hindi nawala sa isip ko," lahad ni Karla.
Sa umpisa ng programa ay hindi napigilan ni Karla na yakapin nang mahigpit ang dalawa lalo pa at ito rin ang naging reunion nilang tatlo matapos ang isang taon.
Sinabi rin ni Karla sa kanyang Instagram post bago umere ang episode na hindi naging madali ang kanyang desisyon na pag-iwan sa morning show at tahakin ang bagong karera bilang public servant.
"Naging mabigat ang desisyon (pero) mas naging matimbang ang pag-unawa ng isa’t isa," pagbabahagi niya.
Todo-suporta naman sina Jolina at Melai sa bagong karera ni Karla lalo pa at alam nilang iyon ang matagal nang hangarin ng kaibigan.
"Very, very happy kami, Momshie Karls, kasi mula umpisa, ito na 'yung ikinuwento mo sa amin. Nakikita namin na isinasabuhay mo 'yung pinagdaanan mo dati na itinuro mo sa mga anak mo. Isinasabuhay mo 'yung pagtulong. Hindi na 'yun puwedeng tanggalin sa iyo at hindi na 'yun mananakaw. Very proud kami sa iyo na nagagawa mo ito freely and very happy kami kasi nandito ka na sa mundong gusto mo,” pahayag ni Momshie Jolens.
Ayon naman kay Melai, "Ito kasi 'yung gusto niya, 'yung makatulong sa iba hindi lang dito sa Magandang Buhay kundi sa labas pa. Kami rito sa Magandang Buhay, kaibigan mo kami rito. Kahit ayaw ka namin umalis ka rito, pero ang hangad mo, 'yung kabutihan ng tao, so ito, ibibigay namin sa iyo. Nandito lang kami para sa iyo."
Tulad nina Jolina at Melai, lubos din ang pagpapahayag ng mga anak at kaibigan ni Karla ng kanilang suporta sa bagong tatahakin na kabanata ng Queen Mother.
Patuloy na subaybayan ang kapupulutan ng aral at kuwento ng mga momshies na Magandang Buhay sa panibago nitong oras na 10 AM sa A2Z, Kapamilya Channel at Jeepney TV, sa Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment, iWantTFC, at sa labas ng Pilipinas sa The Filipino Channel.





Comments