Show, napasok daw… JOEY, NAGBABALA SA MGA MANDARAYANG CONTESTANTS SA EB!
ni Beth Gelena @Bulgary Files | February 20, 2023

May dayaan umanong nangyari sa segment ng Eat… Bulaga! na Pinoy Henyo last Tuesday, February 14.
Naging usap-usapan sa social media ang diumano'y pandaraya ng contestant sa Pinoy Henyo matapos na may kumalat na video clip.
Kaya, nagbigay ng babala ang batikang TV host ng programa na si Joey de Leon.
Ani Joey, kapag hinaluan ng pandaraya ang isang laro, nawawala ang saya.
“Simulan na natin ang pautakan pero uunahin ko na itong warning na ito.
"Sa isang laro, ano ang ginagawa mo para mawala ‘yung saya o ‘yung fun? ‘Pag ikaw ay nandaya.”
Maging ang kanyang mga co-hosts ay sumang-ayon sa sinabi ni Joey na nawawala ang saya ng isang laro kapag nandaya.
Si Jose Manalo ay nagpahayag ng kanyang saloobin kaugnay dito at nagsabing babantayan nila ang mga manlalaro.
Maging si Allan K ay sumang-ayon din sa sinabi ni Joey.
“Akalain n'yo, itong Pinoy Henyo ay pasukan ng mandaraya? Kaya inuulit natin, kahit anong laro pa ‘yan, ‘pag nandaya kayo, wala na ‘yung fun.”
Samantala, matatandaang sa isang panayam sa veteran TV host nu'ng huling presscon ng movie nila ni Toni Gonzaga sa MMFF 2022 na My Teacher, nasabi ni Joey na ang pagkakaisip niya ng pangalan ng Eat… Bulaga! ang maituturing niyang greatest legacy sa showbiz.
Naikuwento rin niya kung saan nakuha ang ipinangalan sa ngayo'y itinuturing na longest-running noontime show.
Kaya maiintindihan mo kung bakit ganu'n na lang kalalim ang concern at pagmamahal ni Joey sa noontime show na Eat… Bulaga! na ayaw niyang mabahiran ng anumang pandaraya.
Sa ngayon, nasa ika-44 taon na ang Eat… Bulaga! na patuloy na naghahatid ng saya sa pananghalian ng mga Pinoy.





Comments