top of page
Search
  • BULGAR

Show, kaya naudlot… WILLIE, GUSTONG PAGKAKITAAN NG MGA EXECS NG PTV4, UMATRAS

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | March 19, 2024



Naibenta na raw pala ni Willie Revillame ang kanyang bahay na nasa Barangay Iruhin west, Tagaytay City sa halagang P3 billion?!


Kuwento ng aming source ay pinaupahan ni Willie ang nasabing bahay sa mag-asawang nagmamay-ari ng magandang resort sa Boracay Island sa panahon ng pandemya dahil nga wala namang nakatira rito dahil sa bahay niya sa Puerto Galera, Mindoro naman siya nakatira.


“Eh, nagustuhan nu’ng mag-asawa ang bahay ni Willie kaya tinanong kung magkano dahil gusto nilang bilhin at naisip naman ni Willie na hindi naman na niya kailangan, kasi nga, sa Puerto Galera siya naglalagi at 'pag luluwas naman ay laging naka-chopper.


"Presyong ayaw nga ibinigay, tatlong bilyon, eh, kinagat, kaya itinuloy na. Pati nga ‘yung isang helicopter ay naibenta na rin, pero sa ibang buyer," sambit sa amin.


Nakatsikahan din namin ang isa pang source at nabanggit na sa Facebook live raw muna magla-live ng Wowowin si Willie. 


At ang dahilan kung bakit hindi siya natuloy sa PTV4 na isang government station ay nagkagulo ang mga kausap niyang executives sa nasabing network.


“Eh, nag-uunahan at kung magkano ang komisyon nilang makukuha, eh, ayaw ni Kuya Wil ng ganu’n kaya umatras na siya sa PTV4,” say sa amin.


 



Kapipirma lang ni Presidente Bongbong Marcos ang No Permit, No Exam Prohibition Act, or Republic Act No. 11984 nu’ng Marso 11 na ang principal author ay si Senador Ramon ‘Bong’ Revilla, Jr., heto at ang allowances naman ng mga teachers ang inaprub sa Senado.


Aprubado na ng Senado sa Bicameral Conference Committee Report ang Teaching Allowance na panukala ni Sen. Bong. 


Kaya naman, walang paglagyan ang ligaya ng mga guro nang mainit nilang pinasalamatan ang nasabing senador sa pagsulong nito sa panukalang dodoblehin ang tinatanggap nilang teaching allowance.


Masayang ibinalita ni Sen. Bong na kasadung-kasado na ang kanyang “Kabalikat sa Pagtuturo Act” matapos ma-approve ng Bicam Conference Committee ang mga probisyon ng Senado at House of Representatives, kasama ang mga miyembro ng Komite. Malapit nang matamasa ng mga guro ang mga benepisyo sa ilalim nito 'pag pinirmahan na ito ni Pangulong Bongbong Marcos.


Say ni Sen. Bong, “Nag-‘evolve’ na ang pagtuturo kaya dumagdag na ang demands sa mga guro para mas epektibong magampanan ang kanilang mga tungkulin. Ayaw nating maging abonado pa sila. Kailangang ‘yung gastusin para sa mga gamit sa pagtuturo ay 'di na nila huhugutin sa kanilang sariling bulsa.”


Kaya sa Session Hall ng Senado ay naglapitan ang mga kinatawan ng iba’t ibang organisasyon ng mga guro sa bansa tulad ng Department of Education, Alliance of Concerned Teachers (ACT), Teachers Dignity Coalition, at Philippine Public School Teachers Association.


Hindi nila napigilang maging emosyonal dahil mula pa noong ika-16 na Kongreso pa nila ito hinahangad. Sa chairmanship ni Sen. Revilla ng Senate Committee on Civil Service, Government Reorganization and Professional Regulation, maisasakatuparan na ang pangarap ng mga guro.


Lubos ang pasasalamat nila kay Revilla na maituturing nang Kampeon ng mga Guro. 


Mahalaga rin ang panukalang ito na kasama sa top legislative priorities ni Revilla dahil ipinangako niya ito noon pa man, kaya labis ang galak niya nang siya na ang italagang chairman ng naturang komite ng Senado na tumalakay at nag-defend dito sa plenaryo.


Sa pagbibigay-pugay at pagpapahalaga ni Revilla sa mga guro, sinabi niyang nakaukit na sa mga pahina ng kasaysayan ang kanilang kadakilaan. 


Sa panukala ni Sen. Revilla — ang principal author at sponsor — ang dating P5,000 na teaching allowance ay itataas na sa P10,000.


Kaya naman malaking bagay ito para sa mga gurong tinagurian ni Revilla na mga “bayani” dahil sa kanilang kadakilaan at bilang haligi ng lipunan at tanglaw ng ating kinabukasan.



Sambit pa ng aktor-pulitiko, “Hindi ito ang wakas, bagkus simula pa lang ng marami pa nating hakbang sa walang mintis na pagsulong ng mga katulad na reporma.” 

 


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page