top of page
Search
  • BULGAR

Shoutout sa mga manginginom, bagong buhay na!

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | March 8, 2021



Wala mang bagong opisyal na istatistika na maaari nating pagbasehan sa kasalukuyan ay kitang-kita naman sa ulat ng awtoridad na patuloy na tumataas ang aksidente, krimen at sakit dahil sa sobrang pag-inom ng alak ilan sa ating mga kababayan.


Ang alkoholismo o pagkagumon sa alak ay umaagaw ng malaking atensiyon dahil tila nagiging bahagi na ito ng ating kultura at social life na maging ang kabataan ay maagang naeengganyong uminom.


May ilang kababayan tayo na dinala sa pagamutan dahil sa sobrang pagkahilig sa pag-inom ng alak ngunit mangilan-ngilan lamang ito kaya hindi pa ito ikinukonsiderang medical problem para sa maraming Pilipino.


Pero sa pisikal na epekto nito ay marami na ang nagdurusa sa liver cirrhosis o unti-unting pagkasira ng atay at kapag hindi na kinaya ng atay dahil sa sobrang pag-inom ng alak ay may pagkakataong nagkakaroon ng komplikasyon kaya maging ang kidney ay naaapektuhan at kailangang isailalim na sa dialysis.


Umabot ng 6-oras ang proseso ng dialysis at minsan hindi sapat ang isang session lang para tanggalin ang dugo sa katawan at salinan ng panibago para ma-purify ito pero kalaunan ay nagiging sanhi rin ito ng kamatayan ng marami.


Maging ang ilang ulat ng Philippine National Police (PNP) sa krimen ay karaniwang inuugnay sa grabeng pag-inom ng alak at marami na ang nahatulan sa krimeng hindi nila nais gawin kung hindi sana sila lango sa alak.


Hindi lamang sa Pilipinas maraming umiinom ng alak dahil ayon sa ulat ng World Health Organization (WHO) mahigit sa 2 bilyong alcohol consumers sa buong mundo ang nagsasaya dahil sa legal na nabibili ang alak kahit saan.


Ayon sa National Council on Alcoholism and Drug Dependence, Inc. ang beer umano ang pinakapopular na inumin sa Pilipinas na sinundan ng lambanog at gin na karaniwang iniinom maliit o malaki man ang okasyon o kahit walang okasyon.


May mga pag-aaral din na ang pagsubok sa pag-inom ng mga menor-de-edad ay karaniwang nagiging daan upang madali silang maengganyong sumubok na gumamit ng ipinagbabawal na gamot dahil sa kamangmangan.


Sa ngayon ay marami ang nakakulong ang nakagawa ng alcohol-related crimes tulad ng pagmamaneho ng lasing, pagnanakaw, rape, homicide at 40 porsiyento ng mga bilanggo ay positibo sa blood alcohol content (BAC) sa panahon na maisagawa nila ang krimen.


Karaniwan din sa mga gumon na sa alak ay hindi nagiging mabuting ama dahil bukod sa sinasaktan ang asawa at mga anak ay nagiging pabaya pa at karaniwang kinakapos sa suportang pinansiyal sa pamilya.


May mga manginginom din na talagang hinahanap na ang alak na tulad ng adik ay hindi mapakali at may pagkakataong nanginginig din kapag hindi nasasayaran ng alak ang lalamunan.


Maraming pamilya na ang dumaranas ng kalungkutan sa buhay dahil sa pagiging lasenggo ng isa sa kanilang mahal sa buhay at hanggang ngayon ay hindi alam ang dapat gawin kung paano ito ireresolba.


Alam n’yo ba na merong Philippine General Hospital (PGH) support group centre na nag-aalok ng treatment at counseling para sa mahihirap na pasyente at may mga NGOs na nag-aalok din ng kahalintulad ng serbisyo.


Sa mga maykaya naman sa buhay ay may mga pribadong rehabilitation centers naman at makasisiguro kayong maililihim ang pagkakakilanlan ng inyong pasyente.


Hindi masama ang katamtamang pag-inom dahil ang alak ay bahagi lamang ng okasyon upang maging masaya ngunit hindi tamang lunurin ang sarili sa pag-inom ng alak na tila wala ng bukas na darating at hindi naman karangalan ang makilala kang malakas na manginginom.


Tandaan na ang alak ay sa tiyan dapat inilalagay at hindi sa ulo dahil kailanman man ay walang benepisyo at medalyang nakalaan para sa isang lasenggo maliban sa ospital o kulungan kung hindi magbabago, sabi nga sa commercial sa telebisyon, drink moderately!


Anak Ng Teteng!

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page