Shocking ang pagbawi ni Kabayan sa kandidatura sa pagka-senador
ni Ka Ambo - @Bistado | October 15, 2021
Marami ang nabigla nang ihayag ni dating vice-president Noli de Castro na binawi niya ang kanyang COC bilang senador.
Sari-saring espekulasyon ang lumutang sa social media!
◘◘◘
MAY nagtatanong: “Natatakot ba si Kabayan sa sarili niyang multo”?
Ano’ng multo o kalansay ng kanyang lihim ang kinatatakutan niyang mabungkal?
◘◘◘
MADRAMA pa naman ang kanyang diskarte nang mag-file ng COC nang magpaalam sa TV Patrol.
Pero ngayon, sinabi ni De Castro na magbabalik siya sa kanyang TV network.
Anubayan, Kabayan?
◘◘◘
NAGING pulutan ngayon sa mga tagayan sa kanto at tsismisan sa parlor at barberya ang pag-atras ng kanilang iniidolong brodkaster.
Nabruka ba ang “usapan” nila ni Yorme na pangulo ng Aksiyon Demokratiko?
◘◘◘
HINDI kaya sila nagkasundo sa estratehiya sa kampanya o nagkaproblema sa logistics?
Baka naman may malalim na dahilan na siyang pinagpipiyestahan ngayon sa social media?
◘◘◘
MAY nagsasabing may bumitaw na padrino o backer.
Pero, may kutob tayong malalim ang dahilan ng pag-atras ni Kabayan!
◘◘◘
HINDI natin masisisi si Kabayan dahil kapag kumandidato siya, bubungkalin ang lahat ng kanyang record — mabuti man o masama.
‘Yan ang problema, dahil sa social media, maaaring maging biktima siya ng mga fake news o ng anumang propaganda na makasisira sa kanyang pagkatao — at siyempre, sa kanyang kandidatura!
◘◘◘
KUMBAGA, maaaring sumingaw ang baho na itinatagu-tago ng mga kandidato at hindi makaliligtas d’yan si Kabayan.
Hindi puwede ngayon ang magic-magic, bagkus ay hindi tatantanan ng mga kritiko sa social media ang kanyang personal na buhay at nagdaang multo na nakaladkad ng kanyang pangalan!
◘◘◘
MAAARING kinabugan si Kabayan sa isang lumang ulat kaugnay sa tumataginting na P7 bilyong Globe Asiatique scandal.
Nalinis na ba nina Delfin Lee at Kabayan ang kanilang pangalan sa alingasngas na ito?
Puwede kasing buhayin ang isyung ‘yan ng kanyang mga karibal sa Senado!
◘◘◘
IBA na nga naman ang panahon ngayon, lalo na at may social media na kung saan talagang mahahalungkat ang lahat.
Marahil tama ang desisyon ni Kabayan, at baka talagang mas mainam ang broadcasting kaysa bumalik sa Senado!
◘◘◘
MAHIRAP na rin makipagsapalaran ngayon at kung sakaling maging failure ang candidacy, lalo na siyang lalagapak.
Ang masaklap, baka walang network siyang babalikan pa!
◘◘◘
MAS mainam pa rin ay mapakinggan natin si Kabayan sa pagbabalita, kaysa naman siya ang ibinabalita at pinagpipiyestahan sa social media.
Malaki talaga ang tama mo, Kabayan!





Comments