Shocked na nanalo ang anak… "HINDI KO NAMAN HINILING NA MAGING CONG. SI BRYAN" — BONG
ni Vinia Vivar - @Frankly Speaking | September 25, 2022

Nilinaw ni Sen. Bong Revilla, Jr. na wala siyang tampo sa GMA-7 at maayos naman daw ang relasyon nila ng mga bossing ng network. In fact, katatapos nga lang daw nilang mag-usap nina Joey Abacan (GMA’s First Vice-President for Program Management) and Ms. Annette Gozon (GMA’s Senior Vice-President).
“Wala, wala. Kakakausap ko lang kay Joey Abacan kanina, kay Miss Annette (Gozon),” sey ni Sen. Bong nang makatsikahan namin last Thursday.
“Basta abangan n’yo na lang. Kasi sa dami ng artista nila, may mga line-up ‘yan, eh. Pila lang tayo. May oras para diyan. Ayoko namang gumawa nang alanganin. Gusto ko palagi, ‘yung sulit 'yung oras sa panonood ng ating viewers,” aniya.
When asked kung mananatili ba siya sa GMA-7 lalo pa nga’t may bagong network ngayon na ALLTV ni Sen. Manny Villar, siniguro ng aktor-pulitiko na may loyalty siya.
“Si Bong Revilla, may loyalty ‘yan. Hindi nang-iiwan ng kasama ‘yan. ‘Yung totoo, 'di ba? Ever since, GMA ako since the very beginning. Hindi ko iiwanan ang GMA maliban lang kung ako ang iwanan ng GMA,” sey niya.
Dagdag pa niyang nakangiti, “Tulad ng asawa ko (Lani Mercado), hindi ako iniiwan,” sabay tawa.
Loyal din ba siya sa asawa?
Natatawang sagot niya, “Loyal!”
Natawa rin ang press at tanong niya, “Ba’t ang tawa?”
Pero dagdag niya, “Hindi naman ako perpekto pero kami na ang nagkakaintindihan ng asawa ko.”
Samantala, natanong din ang senador kung ano ang kanyang birthday wish since he’s celebrating his 56th this Sunday, Sept. 25.
“Lagi ko ngang sinasabi, it’s not for me na, eh. It’s for my people, my family. I’m so blessed. Maski hindi ko hiniling, nangyari, eh.
“Imagine, hindi ko naman hiniling na maging congressman si Bryan (Revilla), naging congressman siya. Nagkataon na hindi siya patakbo, naging congressman siya. So, ‘yung mga ganu'ng blessings, hindi mo matatawaran.
"Si Jolo (Revilla), dapat partylist lang, tumakbo sa 1st District. Nakaguhit talaga sa kapalaran ng tao.
“Bagama’t napakaraming pinagdaanan ko sa buhay, naka-recover tayo sa mga putik na ibinato sa atin, mga masasakit na salita na natanggap ko, tapos lumabas na 'yung katotohanan, ang sarap ng pakiramdam,” he said.
Samantala, ngayong gabi na, 6 PM ang handog ni Sen. Bong sa mga tao bilang pasasalamat sa good health niya at sa mga biyayang natatanggap niya. Tumutok lamang sa kanyang Facebook page dahil mamimigay siya ng napakaraming papremyo sa raffle draw kabilang na nga ang 2 brand new car.





Comments