Shastaloo at Righteous Ruby sa PHILRACOM Japan Cup
ni Green Lantern - @Renda at Latigo |December 7, 2022
Magtatapat muli sa pista sina Shastaloo at Righteous Ruby pagsalang nila sa 2022 PHILRACOM "Japan Cup" na pakakawalan sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City sa Batangas sa Linggo, (Dis. 11).
Nagsaad ng pagsali ang connections nina Shastaloo at Righteous Ruby sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.
Nakalaan ang P1-M guaranteed prize na ikakalat sa unang anim na kabayong tatawid sa meta kaya inaasahang bakbakang umaatikabo ang masisilayan ng mga karerista.
Naghayag din ng paglahok sina Bombay Nights, Dragon Butterfly, Runway, Runway Dreamer, Starinmydreams, Sudden Impact, Time For Glory at Wonderland sa karerang may distansiyang 1,800 meter race.
Hahamigin ng mananalong kabayo ang P600,000, mapupunta sa 2nd placer ang P200,000, ibubulsa ng pangatlo ang P100,000 habang tig-P50,000, P30,000 at P20,000 ang fourth, fifth at sixth ayon sa pagkakahilera. Sasakyan ni star jockey Jeffril Zarate ang Shastaloo habang si MM Gonzales ang rerenda sa Righteous Ruby.





Comments