SHARON, OKS NA TINDERA LANG ANG ROLE BASTA KASAMA SA SERYE NI COCO
ni Reggee Bonoan @Sheet Matters! | January 29, 2023

Kapag final na ang decision ni Mariel Daniella Sophia ‘Miel’ Cuneta-Pangilinan na sa ibang bansa mag-aral ng kolehiyo tulad ng Ate Frankie niya ay ang bunsong si Miguel na lang ang makakasama ng mag-asawang ex-Senator Kiko Pangilinan at Sharon Cuneta sa Pilipinas.
Magtatapos na kasi ng high school si Miel base sa ipinost ni Sharon na graduation picture ng anak.
Ang caption ng Megastar, “Whyyyyyyyyyyyyyy?!!! Now you’re graduating and are going off to college na rin after a year-off to enjoy life first?!!! Baby ko, if there was really a time-traveling machine I’d invest my life savings in it, so, I could be with your baby-self and stay there forever!
“But I am so very proud of you - and this High School completion didn’t come easy for you and many others - having to do lots of online stuff and dealing with COVID lockdowns… you guys just missed out on so much more of what life in high school should’ve been like…So, I am grateful and just really so proud that you’ve reached this point. I love you so very much, Yeyie ko… I cannot believe it! So beautiful and precious to Mama (emojis three hearts).
“(Bunny you really wanna study abroad also? Here na lang pls, pls, pls?! Oh, well… you know Dad & Mama will give you what you want, even if it’ll hurt to be away from you (emojis sad face and hearts) @mielpangilinan.”
Sobrang nami-miss ni Sharon ang mga anak kaya emosyonal siya parati kapag hindi niya nakikita ang mga ito, lalo na ang panganay niyang si KC Concepcion na may sarili na rin daw buhay.
Bukod sa kapag nasa locked-in shoot ang aktres ay matagal na hindi niya nakakasama ang mga babies niya.
Kaya naman sa pagka-miss niya sa apat niyang anak ay nababaling ang atensiyon nito sa mga batang artistang nakakasama niya sa trabaho tulad nina Coco Martin at Julia Montes, na matagal niyang nakatrabaho sa shooting ng FPJ’s Ang Probinsyano.
Halos ilagay ni Sharon sa pedestal sina Coco at Julia sa papuri at pasasalamat niya sa mga ito kasama na rin ang iba pang cast ng serye dahil ipinaramdam sa kanya na iisang pamilya sila.
Naikuwento ito ni Mega sa post-birthday guesting niya sa Magandang Buhay show nina Regine Velasquez, Melai Cantiveros at Jolina Magdangal na hindi nito alam na inimbita ng programa si Julia para isorpresa siya na nauwi sa matinding iyakan.
Ipinakuwento kasi ng MB hosts kung bakit ganu’n na lang ang closeness nina Sharon at Julia gayung sa Ang Probinsyano pa lang naman sila nagkasama, kumpara sa iba na kaya super close at deep ang pagkakaibigan ay dahil taon na ang binilang.
Si Sharon ang unang sumagot, “Kasi lahat ng gusto kong sabihin, nasasabi ko kay Julia, tapos siya rin, ganu’n. Para kaming mag-ina na gusto ko rin sanang anak ko rin si Julia," at naging emosyonal na ang dalawa.
Pagpapatuloy ni Sharon, "Sabi ko nga sa ‘yo (sabay lingon kay Julia), sana, ako na lang nagsilang sa ‘yo. Basta mahal na mahal ko siya, hindi ko alam, hindi mo naman ma-explain ‘yun, 'di ba?
Mahal na mahal ko ‘tong batang ‘to, napakabuti ng puso, napakabait na bata," habang nakayuko lang naman si Julia.
“Ang daming pinupunan ni Julia na kulang sa akin," umiiyak pang sabi ni Mega. "Sa lahat ng minahal kong batang artista, si Julia na talaga ang pinakaminahal (ko). Anak, thank you sa pagmamahal mo sa akin.”
Ayon naman kay Julia, kaya sobra rin niyang mahal ang Megastar, “Ang hirap ding mag-express kasi totoo ‘yung sinabi ni Mommy Sha. Nu’ng una, nahihiya pa akong tawagin siyang Mommy Sha kasi Megastar, tapos nai-starstruck ako sa sasakyan. Remember that scene po?" sabay baling kay Sharon.
"Feeling mo talaga, connected kayo? Siyempre, nasa back ng mind ko po, siyempre, Megastar, paano kaya ‘to?" dagdag ni Julia.
Nu'ng first taping nga raw nila ay hindi malaman ni Julia kung ano'ng sasabihin kay Sharon, pero nu'ng nasa set na ay naging komportable rin sila sa isa't isa at nagtsikahan na nang buong araw.
Isa pang nagustuhan ni Sharon sa bagong anak ay ipinagluluto siya.
“Nagdadala po kasi ako sa set namin ng set ng mga ingredients. ‘Yun po kasi ang style ko (magluto) sa set para hindi ako malungkot. 'Pag malayo ka po sa bahay mo, may mapi-feel ka talagang (kulang),” saad ni Julia.
Napatunayan ding tila iisa na ang likaw ng bituka nina Sharon at Julia sa sobrang kilala nila ang isa’t isa dahil nagpa-game ang MB hosts at tugma lahat ang sagot nila na isinulat nila sa white board.
Anyway, magkahalong tawanan at iyakan ang episode ng Magandang Buhay nu'ng Biyernes dahil sa mga pag-amin nina Sharon at Julia sa publiko.
Samantala, hiniritan na ni Sharon ang anak-anakan din niyang si Coco na sana ay isama siya sa FPJ’s Batang Quiapo at kahit na tindera sa sari-sari store ang role niya ay tatanggapin niya.
Maging si Regine Velasquez ay nagparinig din na gusto niyang mapasama kahit na isa sa mga pamilya sa Quiapo o kahit passerby, okay na rin sa kanya.





Comments