SHARON, IPINATANGGAL ANG 2 YOUTUBE CHANNELS NA NAGLABAS NA SINASAKTAN SIYA NI KIKO
ni Vinia Vivar - @Frankly Speaking | January 31, 2022

Ikinatuwa ni Sharon Cuneta ang pagkakatanggal ng dalawang YouTube channels na diumano’y nagkalat ng fake news tungkol sa kanyang pamilya.
Sa Instagram page ni Megastar kahapon ay ipinost niya ang screenshot ng report na inilabas ng ABS-CBN online na nagsasaad na natanggal na ang dalawang YT channels na matatandaang inireklamo nila ng asawang si Sen. Kiko Pangilinan for cyber libel.
“Thank you po, Lord. Dapat lang talaga, hindi lang para sa amin kundi sa lahat ng sinisiraan nang wala namang katotohanan at basehan,” ang caption ni Shawie.
Matatandaang noong July, 2021 ay nagsampa si Sen. Kiko ng cyber libel cases sa dalawang YouTube channels na nagbalitang sinasaktan niya ang asawang si Sharon dahil nangangaliwa raw ito.
Itinanggi ng mag-asawa ang balita at kasunod nga nito ang paghahain ng reklamo.
Sa panayam naman ni Sen. Kiko sa teleradyo, aniya ay pending pa rin ang kaso pero nagpapasalamat siya sa YouTube at Google na nabigyan ng aksiyon ang kanyang reklamo.
“Tayo ay nagpapasalamat sa YouTube at sa Google at ilang reklamo namin ay sa wakas ay nabigyan ng pansin. Sana ganu’n din sa iba na walang pangalan... Marami ang nabibiktima ng fake news at hindi tama," sey ni Sen. Kiko sa panayam.





Comments