Partner ni Francine, ibang level na… SETH, BEST ACTOR SA MIFF
- BULGAR
- Mar 10
- 4 min read
ni Vinia Vivar @Frankly Speaking | Mar. 10, 2025
Photo: Seth Fedelin at Francine Diaz - Instagram
Masayang-masaya si Miss Roselle Monteverde ng Regal Entertainment dahil tatlong awards ang hinakot nila sa katatapos lamang na 2nd Manila International Film Festival Awards Night na ginanap sa Hollywood, California.
Inanunsiyo ng produksiyon ang magandang balita sa kanilang Instagram (IG) account kahapon.
Nasungkit ng Regal Entertainment ang Audience Award for Best Actor para kay Seth Fedelin para sa Metro Manila Film Festival 2024 entry na My Future You (MFY), at Audience Award for Best Director para kay Crisanto B. Aquino para sa parehong pelikula.
Bukod dito, ginawaran din ng Monty Manibog Lifetime Achievement Award ang yumaong founder ng Regal Entertainment at ina ni Roselle na si Mother Lily Monteverde.
Aniya, “What a night in the awards night of Manila International Film Festival! Regal Entertainment bags 3 awards at MIFF namely: 1. Monty Manibog Lifetime Achievement Award - Lily Y. Monteverde; 2. Audience Award for Best Actor - Seth Fedelin for My Future You; 3. Audience Award for Best Director - Crisanto B. Aquino for My Future You.”
“THANK YOU TO THE MANILA INTERNATIONAL FILM FESTIVAL FOR RECOGNIZING ALL HARDWORK, PASSION & DEDICATION!” ang announcement post ng Regal Entertainment.
Dumalo si Seth sa naturang filmfest kasama ang kanyang leading lady na si Francine Diaz kaya personal niyang tinanggap ang award.
Samantala, kahit walang entry, dumalo rin si Dingdong Dantes sa MIFF 2025 Awards Gala dahil siya ang nagpresenta ng Monty Manibog Lifetime Achievement Award sa isa sa mga recipients na si Boots Anson-Roa Rodrigo.
Sa kanyang Instagram (IG) account, ibinahagi ng aktor ang kanyang proud moment sa naturang international filmfest.
“Last night, I had the distinct honor of presenting the Monty Manibog Lifetime Achievement Award to my former professor turned industry pillar, Boots Anson-Rodrigo,” anang aktor.
“She’s been a leading lady on screen, but her biggest role has been behind the scenes—championing the welfare of our industry for over 25 years at MOWELFUND, where I now have the privilege of working alongside her.
“She’s proof that true icons don’t just shine in the spotlight—they use it to uplift others,” patuloy ni Dong.
“Congratulations, Ma’am Boots—mahal ka namin,” mensahe pa ng aktor.
Sa comment section, isa sa mga nag-congratulate kay Boots ay ang award-winning actress at Kapamilya boss na si Miss Charo Santos.
“Very well-deserved! Congratulations Tita Boots! (clapping hands emoji) You have been my role model since I met you when I was 18. God bless you more!” ang pagbati ni Ma’am Charo Santos-Concio.
Marami raw tinanggihang pulitiko…
“NAPAKAARTE KO AT NAPAKA-CHOOSY KO” — IVANA
Dahil nga malapit na ang eleksiyon, dagsa ang offers sa actress at isa sa top content creators ng bansa na si Ivana Alawi mula sa mga pulitiko para kunin siyang endorser.
Pero aminado si Ivana na napakarami niyang tinanggihang pulitiko at hindi siya basta-basta nag-e-endorse.
“Napakaarte ko at napaka-choosy ko pagdating sa pulitika. Hindi naman ‘yan para sa akin o ikakaganda ko o para sa pamilya ko. Ito ay para sa Pilipinas, para sa mga kababayan natin, kung ano ‘yung makakapagpaganda sa bansa natin,” sey ng Kapamilya actress nang matanong siya tungkol dito sa naganap na thanksgiving party niya for the entertainment press last Friday.
Hindi raw pera-pera para sa kanya ang ganitong bagay.
“Kasi, kung pera, eh, di sana, lahat kinuha ko, eh, di ang yaman-yaman ko na. Hindi, eh. Hindi s’ya sa pera. It’s what you believe in and who do you think will make the country a better place,” paliwanag ng dalaga.
Nanawagan pa si Ivana sa mga pulitikong gustong kumuha sa kanya.
“Sa mga senators, congressmen, napaka-choosy ko kasi baka gusto lang n’ya umupo para sa sarili n’ya, hindi naman para sa ating mga kababayan,” aniya.
Sey pa ng aktres, importante raw para sa kanya ang pagpili ng tamang leader.
“Ako, wala naman akong alam sa pulitika, pero alam ko kung paano mamili ng tamang leader. Siyempre, pinag-aaralan ko rin kung ano’ng mga batas ang natutupad, very important ‘yun sa ‘kin,” pahayag pa niya.
Sa pagka-choosy na ‘yan ni Ivana ay natawag ang kanyang pansin ng AGAP Partylist dahil nagustuhan niya ang adbokasiya nito na paglaban sa mga karapatan at kapakanan ng mga mangingisda at magsasakang Pinoy at iba pang kasama sa agricultural sector. Kaya naman ito raw ang kanyang ineendorso ngayong eleksiyon.
Samantala, dahil nga sa malaking tagumpay na tinatamasa ni Ivana sa kanyang vlogging and showbiz career ay natanong din siya kung ano pa ba ang dream niya na gusto niyang ma-achieve.
“Meron akong pangarap na maa-achieve ko very, very soon. Pangarap ko s’ya dati pa. So, siguro, ‘yun pa lang,” sagot niya.
Ang next naman daw na dream niya ay magkaroon ng sariling pamilya.
“Next pangarap ko is siyempre, makabuo na ng pamilya, maging housewife. Alam n’yo naman ‘yun. So, hindi pa natutupad ‘yun,” sabi niya.
Hinihingan siya ng clue kung ano ba ‘yung matutupad na dream niya soon pero hindi pa raw niya puwedeng sabihin. Pero itong buwan na raw mangyayari ‘yun.
“Basta matutupad s’ya at malalaman n’yo agad-agad. Mga this month,” sey niya.
Nang matanong kung may love life ba siya ngayon, aniya ay single na single siya dahil sa ngayon ay wala raw talaga siyang panahon maging sa sarili niya.
Comments