top of page

Seryosong paghahanda kontra hacking sa eleksyon

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Apr 12
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | Apr. 12, 2025



Boses by Ryan Sison

Sa nalalapit na halalan, kaliwa’t kanan ang paghahanda ng mga kandidato para sa araw ng botohan. Pero sa likod ng campaign jingles, tarpulin at pangangampanya, may mas tahimik at delikadong banta na kinakaharap ang ating halalan -- ang panganib ng hacking. 


Sa panahon ng modernong teknolohiya, hindi na sapat ang pagbabantay sa mga presinto at balota, kailangan na ring bantayan ang cyberspace, kung saan maaaring subukang manipulahin o dugasin ang bilang ng boto. Kaya ang tanong -- ligtas ba ang ating boto sa mga hackers?


Kamakailan, iniulat ng Commission on Elections (Comelec) na mayroong mahigit 60,000 na pagtatangka na pasukin ang kanilang internet voting system para sa overseas Filipino voters (OFW). Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, lahat ng tangkang ito ay nabigo. Dagdag pa niya, mayroon ding mga insidente na tangkang pag-atake sa mismong website ng ahensya. 


Sa kabuuan, naitala ng kanilang cyber security team ang 1.18 milyong traffic request na agad na na-block dahil sa cyber reputation, at 71,780 na mga IP address na na-tag bilang “malicious”. Lahat ng ito ay senyales ng seryoso ang banta, pero mas seryoso rin ang kanilang paghahanda.Ipinagmalaki naman ni Garcia ang kanilang mga IT personnel na walang sawang nagbabantay ng 24/7 upang masigurong walang hacker ang makakapasok. 


Bukod pa rito, sinabi rin niya na patuloy ang pakikipag-ugnayan ng Comelec sa Department of Information Technology (DICT) at iba pang ahensya para mapatatag lalo ang seguridad ng sistema. Maging ang precinct finder at iba pang online services ay nakatutok na rin upang hindi makapasok ang mga hacker. Bukod sa paggamit ng makabagong equipment, ipinatupad din ng ahensya ang proactive na hakbang laban sa hacking. Ani Garcia, mahalaga ang “state of the art” na teknolohiya para tugunan ang banta ng hacking.


Sa gitna ng lahat ng ito, malinaw ang mensahe, na ang pagboto ay hindi lang isang karapatan kundi isang tiwala at tungkulin ng pamahalaan, lalo na ng Comelec, na ito ay protektahan. Hindi dapat basta-basta ang seguridad sa halalan, lalo na sa panahon ngayon, na kung saan isang klik lang ay maaaring mabaluktot ang katotohanan. Kaya sa darating na araw ng halalan, mahalagang hindi lang tayo bumoto, kundi magtiwala rin sa sistemang ginawa upang protektahan ang ating mga boto. 


Dahil sa likod ng bawat boto, may mga taong gising na nagbabantay, at nakikipaglaban sa banta ng mga hackers.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page