Seryoso ang Jazz at Lakers, Bucks at Rockets, kinapos
ni Anthony E. Servinio - @Sports | November 2, 2021

Maaga pa lang sa bagong torneo ng NBA ay naghatid ng mensahe ang Utah Jazz na seryoso sila na makuha ang unang kampeonato ng prangkisa matapos talunin ang World Champion Milwaukee Bucks, 107-95, sa Fiserv Forum kahapon. Lamang sa buong 48 minuto ang bisitang Jazz at si Pinoy pride Jordan Clarkson ang nagbigay sa kanila ng pinakamalaking lamang bago matapos ang third quarter, 84-67.
Pumalag ang mga kampeon at naibaba sa apat ang agwat na may 1:39 sa orasan, 95-99, subalit isinalba ng mga All-Star Donovan Mitchell, Mike Conley at Rudy Gobert ang panalo sa kanilang mga pamatay-sunog na puntos. Nagtapos si Mitchell na may 28 puntos at sinundan nina Conley na may 20 at Clarkson na may anim ng kanyang 15 puntos sa 4th quarter.
Binigyan ng matinding aral ng mga beterano ng Los Angeles Lakers si Fil-Am rookie Jalen Green at Houston Rockets, 95-85, at umakyat sa 4-3. Si Green ay 1-year old lang noong unang naglaro sa NBA sina LeBron James at Carmelo Anthony noong 2003.
Gumawa ng 23 puntos sa 25 minuto ang reserbang si Anthony upang ituloy ang magandang sinimulan nina James, Russell Westbrook at Anthony Davis. Nagtala ng 7 puntos lang si Green kasabay ng kanilang bantayan ni James na gumawa ng 15 puntos.
Nagsumite ng triple double si James Harden na 18 puntos, 10 rebound at 12 assist upang magwagi ang Brooklyn Nets sa Detroit Pistons, 117-91. Nanguna sa Nets si Kevin Durant na may 23 puntos at hindi pinalaro ng Pistons si numero unong rookie Cade Cunningham matapos ang kanyang unang laro sa NBA noong isang araw kung saan gumawa siya ng 2 puntos sa 110-103 pagwagi sa Orlando Magic.





Comments