top of page
Sen. Robin Padilla - FB.jpg

Service charges, ‘di puwedeng kunin o bawasan ng kompanya

  • BULGAR
  • May 12, 2022
  • 1 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | May 12, 2022


Dear Chief Acosta,

Ako po ay tagahugas ng plato sa isang restoran. Ang aming kompanya ay binabawasan ng labing-limang porsyento (15%) ang pangkalahatang koleksyon ng service charge dahil ito diumano ay nakalaan para sa mga masisirang gamit upang ito ay hindi na ibawas sa mga empleyado. Maaari po ba ito?

April



Dear April,

Ang sagot sa inyong katanungan ay matatagpuan sa Republic Act (R.A.) 11360 o ang Service Charge Law kung saan nakasaad ang sumusunod:


“SECTION 1. Article 96 of the Labor Code is amended to read as follows:


“ART. 96. Service Charges. – All service charges collected by hotels, restaurants and similar establishments shall be distributed completely and equally among the covered workers except managerial employees.


xxx (Binigyang-diin)


Inamyendahan ng nasabing batas ang Article 96 ng Labor Code na dating naghahati ng service charge sang-ayon sa hatiang walumpu’t limang porsyento (85%) sa mga empleyado at labing-limang porsyento (15%) sa kompanya. Ngayon, sang-ayon sa bagong batas na ito, ang kabuuan dapat ng service charges ay ipamahagi sa mga empleyado. Malinaw na ang kabuuan ng mga nakolektang service charges ay dapat ipamahagi sa mga empleyado at walang bahagi nito ang maaaring kunin ng kompanya.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page