Serious surge ng COVID-19 sa M. Mla, ‘di dapat dedmahin
ni Ryan Sison - @Boses | August 03, 2021
Matapos makapagtala ng 1,740 bagong kaso noong Sabado sa National Capital Region (NCR), itinuturing ng OCTA Research Group na nasa “serious surge” na ang COVID-19 sa Metro Manila. Ito ang pinakamataas na bilang ng mga bagong kaso mula noong Mayo 10.
Ayon sa grupo, 13 siyudad ang maituturing na “high risk” mula sa 16 lungsod at 1 munisipalidad na bumubuo sa Metro Manila, pero ang District 3 na binubuo ng Malabaon, Navotas at Valenzuela ang epicenter ng surge.
Bukod pa rito, tumaas din ang paggamit ng mga hospital bed at intensive care unit (ICU) sa Kamaynilaan, pero nasa low hanggang moderate pa, bukod sa Las Piñas na nasa critical level ang ICU habang high level sa Makati at Muntinlupa.
Matatandaang isinailalim na sa mas mahigpit na general community quarantine (GCQ) ang Metro Manila at magiging enhanced community quarantine (ECQ) ito simula Agosoto 6 hanggang 20.
Mula noong Linggo, ipinuwesto na ang mga checkpoint sa mga boundary ng Metro Manila at mga kalapit-lalawigan, kung saan tanging mga authorized persons outside residence o APOR lang ang palulusutin sa mga checkpoint.
Sa totoo lang, nakalulungkot dahil sa kabila ng paniniwalang unti-unti nang umuusad ang bansa sa laban kontra pandemya, heto at patuloy tayong hinahamon.
Kaya naman, imbes na itangging lumalala ang sitwasyon sa bansa, humanap na tayo ng solusyon.
‘Ika nga, hindi nagsisinungaling ang mga datos at sapat na dahilan ito para lalo pang mag-ingat.
Bagama’t sinasabing makatutulong ang dalawang linggong lockdown upang mapabagal ang hawaan, siyempre, may iba pang hakbang upang tuluyang masugpo ang virus.
Paalala lang sa taumbayan, hindi ito ang panahon upang makampante dahil kailangang-kailangan na nating seryosohin ang lahat ng hakbang kontra COVID-19. Patuloy na sumunod sa health protocols at iwasang magpasaway.
Habang gumagalaw ang mga kinauukulan, galaw-galaw din tayong mamamayan para mas epektibong masolusyunan ang mga problemang dulot ng pandemya.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments