top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Serbisyong walang tigil para sa mas ligtas at magandang kinabukasan para sa kabataan

BULGAR
Jun 15, 2022
4 min read

ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | June 15, 2022


Una sa lahat, maraming salamat sa inyong mainit na pagbati sa aking kaarawan kahapon. Tulad ni Pangulong Rodrigo Duterte, hindi kami mahilig magkaroon ng mga party o selebrasyon sa aming kaarawan. Mas ginugusto naming gamitin ang panahong ito upang magpasalamat sa Diyos sa lahat ng biyaya na Kanyang ibinigay sa atin.


Higit pa rito, naniniwala kami na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos. Kaya ang pinakamagandang pagpapasalamat sa Diyos ay ang pagseserbisyo sa kapwa-tao. Sa kaarawan ko, ang tangi kong hiling ay mabigyan ng lakas at tapang na magampanan ang aking tungkulin sa kapwa at walang tigil na makapaglingkod sa anumang paraan o kapasidad bilang ito naman ang ating bisyo — ang magserbisyo.


Kaya noong kaarawan ko kahapon, minarapat kong samahan si Pangulong Duterte sa kanyang lakad sa Tarlac upang masiguradong ang isa sa kanyang legacy at regalo sa kabataang Pilipino ay maisakatuparan. Nitong June 14, 2022 ay binisita namin ang National Academy of Sports (NAS) Main Campus na nasa New Clark City Sports Complex sa Capas, Tarlac. Nagsagawa kami ng inspeksyon upang alamin kung may mga kailangan pa para lalong mapaganda ang nasabing pasilidad.


Pangarap ko na makita na ang ating mga atletang Pilipino ay nangunguna sa mga kompetisyon sa pandaigdigang arena. Kaya nang mahalal ako sa Senado at pinagkatiwalaang maging Chair ng Senate Committee on Sports, nangako ako na magiging bahagi ng aking serbisyo na makapagpatayo ng sports academy na tututok sa kabataang atleta na may potensyal upang hasain sila at maghatid ng karangalan sa ating bansa.


Naitayo ang NAS sa pamamagitan ng aking inakda at naging co-sponsor na panukalang batas na naging Republic Act No. 11470 noong 2020. Sa pakikipag-ugnayan sa Department of Education at sa Philippine Sports Commission, nagkakaloob ang NAS ng secondary education program na may kalakip na special curriculum para sa sports.


Isang dekada ang hinintay natin bago naisabatas ito, kaya malaki ang pasasalamat ko kay Pangulong Duterte sa pag-apruba niya sa panukalang ito.


Sa pamamagitan ng pagkakaloob ng maayos na mga programa sa ating mga kabataan upang sila ay makapag-aral nang mabuti at magabayan sa kanilang mga talento sa sports, mas mabibigyan natin sila ng oportunidad na magtagumpay sa buhay. Layunin ko na magkaroon ang kabataan ng marangal at maayos na pamumuhay, hindi lang ngayon, kundi maging sa kanilang pagtanda.


Maganda ang environment ng NAS para sa magiging mga estudyanteng atleta nito. Mayroon itong mga world-class sports facilities, bukod sa tirahan ng mga estudyante at iba pang amenities na tumutugon sa international standards. Sapat din ang bilang ng mga classrooms at hindi magsisiksikan ang mga estudyante.


Sa ngayon ay nakapagkaloob na ito ng mga scholarships para sa mga karapat-dapat na student-athletes. Tinatanggap dito ang lahat ng kuwalipikadong aplikante sa scholarship mula sa iba’t ibang sektor. Isang paraan din ito para mahikayat ang kabataang Pilipino na maging bihasa sa sports.


Sa paraang ito, makaiiwas din ang kabataan sa kaway ng ilegal na droga at kriminalidad. Inaanyayahan ko ang kabataan na mahilig at may talento sa larangan ng palakasan na mag-apply at subukan ang mga programa ng NAS.


Bukod dito, sa aking kapasidad bilang Chair ng Senate Committee on Sports ay patuloy kong isusulong ang mga panukalang batas para mas palawigin pa ang sports development sa buong bansa, lalo na sa grassroots level dahil, kung minsan, ang mga may potensyal na kabataang atleta ay nasa malalayong komunidad at kailangan lang matuklasan, mahasa ang kakayahan at mabigyan ng oportunidad na makapagdala ng karangalan sa ating bansa at umangat ang kalagayan sa buhay.


Natutuwa ako na dahil sa NAS ay unti-unti na nating nakikita ang resulta ng ating pinaghirapan at patungo na tayo sa muling pagdomina sa larangan ng palakasan gaya ng napakagandang ipinakita ng ating mga atleta sa 2019 at 2021 Southeast Asian Games.


Samantala, bilang Chair ng Senate Committee on Health ay umaapela akong muli sa inyo, na patuloy tayong maging maingat at sumunod sa mga ipinatutupad na health protocols — lalung-lalo na ang pagsusuot ng face mask at pag-oobserba ng social distancing kapag nasa mga pampublikong lugar. Hindi pa tapos ang pandemya at patuloy na may naitatalang mga kaso ng COVID-19 araw-araw.


Huwag tayong magpakumpiyansa. Huwag nating sayangin ang pagsisikap para makontina ang virus sa loob ng dalawang taon. Magkaisa tayo at magbayanihan para hindi na muling mahirapan ang frontliners at muling makabangon ng ating kabuhayan.


Nakikiusap din ako sa mga kuwalipikado sa bakuna — at maging sa booster shot — na huwag magpatumpik-tumpik pa. Napatunayan na ligtas ang bakuna, at ito ang malaking dahilan kung bakit ngayon ay unti-unti nang nagbubukas ang ating ekonomiya. Kung mas darami pa ang magpapabakuna, tuluyan na nating malalampasan ang pandemya.


Ang buhay at kalusugan ng bawat Pilipino ang aking prayoridad. Ang hiling ko lang sa inyo ay tulungan ninyo kami na maabot ang iisang layunin natin para sa ating bansa. Kung magkakaisa tayo, walang maiiwan sa ating pagkakamit ng mas komportableng buhay—at mabibigyan natin ang ating mga anak ng mas ligtas at maginhawang kinabukasan!

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page