top of page
FRANKLY - LEA, TODO-BILIB NA WINNER PA RIN ANG FORGOTTEN ISLAND KAHIT NAG-FLOP _IG _msleas

Serbisyo ng medical frontliners, tapatan ng makataong trato!

Writer: BULGAR
BULGAR
Mar 22, 2021
2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | March 22, 2021



Sa halip na bumuti, mas malala pa ang sitwasyon ng health care workers, isang taon matapos ang pagpapatupad ng lockdown sa bansa dahil sa COVID-19 pandemic.


Marami sa kanila ang nawawalan ng pag-asa at gana, nag-abroad at ang iba ay tumigil na lang talaga dahil hindi na kaya ang pagod na dala ng pandemya.


Gayunman, paliwanag ng Filipino Nurses United (FNU), hindi masisisi ang mga ito dahil maraming panawagan ang health workers, pero walang natugunan ang gobyerno at ngayong mas mataas na ang bilang ng COVID-19 cases, mas maraming naoospital at pati ang mga empleyado ay nagpositibo na. Ang masaklap pa, nang magsimula ang pagbabakuna ay dumami pa ang pasyente.


Matatandaang sa kasagsagan ng pagdami ng COVID-19 cases noong Agosto 2020, nanawagan ang health workers ng timeout at isailalim ang Kamaynilaan sa mas istriktong community quarantine, pero giit ng FNU, hindi ngayon ang panahon para humingi ng timeout dahil mas kailangan sila ng taumbayan.


Samantala, posibleng humingi ng timeout ang Philippine General Hospital (PGH) kapag nagpatuloy pa ang pagdami ng kaso dahil ramdam na ramdam nila ang pagdagsa ng mga pasyente at wala pa ring pagbabago mula nang tumaas ang mga kaso ng COVID-19.


Napilitan na umano silang maglagay ng ICU beds kahit wala sa ICU para lang magamot ang ibang pasyente, gayundin, may mga health worker silang tinamaan ng sakit kahit nabakunahan na ang mga ito.


Sa totoo lang, matagal nang pagod ang ating health workers, at ngayong kitang-kita ang kanilang araw-araw na kalbaryo, panahon na para tulungan sila.


Kung tutuusin, hindi lang health workers ang may kayang tumapos ng pandemya dahil bilang mamamayan, tayo ay may kaya ring gawin. Sumunod sa minimum health standards, alagaan ang sarili at magpalakas ng katawan.


Isa pa, hiling natin sa mga kinauukulan na maging makatao at ibigay ang mga benepisyong ipinangako natin sa kanila. Kumbaga, tapatan natin ang serbisyong ibinibigay ng ating health workers dahil kung wala sila, matagal na tayong kawawa.


Totoo na mahaba-haba pa ang ating laban kontra pandemya, pero ‘wag nating iparamdam sa ating health workers na sila-sila lang ang humaharap sa laban na ito.


‘Ika nga, “We Heal as One”, kaya plis lang, magkaisa tayo sa laban na ito.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page