top of page

Sensitivity training ipinatupad para protektahan ang mga PWD

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 3 hours ago
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | August 13, 2025



Boses by Ryan Sison


Sa mundo ng transportasyon, hindi lang gulong at makina ang kailangang gumulong nang maayos — dapat pati puso at isipan ng mga humahawak ng manibela at nabibigay serbisyo. 


Ang insidente ng pananakit sa isang pasaherong may Autism Spectrum Disorder (ASD) ay malinaw na paalala na hindi sapat ang magaling lang magmaneho at magpasakay sa mga pasahero, kailangang marunong ding umunawa o umintindi sa anumang sitwasyon. 


Kaya naman isinailalim sa sensitivity training ang mga driver, konduktor, operator ng EDSA Carousel, at mga enforcer ng Department of Transportation (DOTr)-Special Action on Intelligence Committee on Transportation (SAICT) matapos mag-viral noong Hunyo 9, 2025 ang video ng pananakit kay alyas "Mark" o "MakMak," isang passenger na may ASD. Siya ay pinagsusuntok, sinakal, at kinuryente gamit ang taser ng kapwa pasahero makaraang magpakita ng kilos na dulot ng kanyang kondisyon. 


Ayon sa Autism Society Philippines (ASP), matagal nang nagko-commute si MakMak nang walang problema, subalit noong araw na iyon ay na-overwhelm ito, dahilan ng kanyang hindi pangkaraniwang kilos. Hindi alam ng mga pasahero, drayber, at konduktor ang kanyang kalagayan, kaya nauwi sa marahas na insidente. 


Bilang tugon, nagsagawa ang DOTr-SAICT ng espesyal na pagsasanay para sa lahat ng tauhan ng EDSA Bus Carousel upang maituro ang tamang pagtrato sa mga pasaherong may kapansanan, kabilang ang mga may autism at Tourette Syndrome. At lumahok naman dito ang dalawang bus consortium na may kabuuang 300 unit. 


Katuwang sa nasabing pagsasanay ang Autism Society Philippines at Tourette Syndrome Association of the Philippines. Layunin nitong gawing mas ligtas at mas accessible ang transportasyon para sa lahat ng PWDs, alinsunod sa Magna Carta for Persons with Disabilities (RA 7277) at Anti-Discrimination Law for PWDs (RA 9442). 

Samantala, may kaukulang parusa na ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa naturang bus company habang iniimbestigahan ang insidente. Pinatawan din ng 90-araw na suspensyon ang lisensya ng drayber at konduktor. 


Ang pangyayaring ito ay malinaw na salamin ng kapos ng kaalaman at kakulangan ng malasakit ng ilan pagdating sa PWDs. Sa isang bansang ipinagmamalaki ang hospitality at mahusay makitungo, nakakabahala na may mga tao pa ring kayang manakit ng mahina at walang kalaban-laban. 


Hindi siguro maitatama ang ganitong sitwasyon kung puro batas at training lamang ang aasahan, kailangan ay maging bukas ang puso sa pang-unawa at pakikipagkapwa, at may malawak na pag-iisip ang bawat isa. 


Ang transportasyon ay hindi lang sistema ng pagpapasakay o paghahatid ng tao mula sa pinanggalingan hanggang sa pupuntahan nito — ito ay bahagi ng ating pang-araw-araw na pakikisalamuha sa kapwa. Hindi sapat na alam natin ang mga batas, dapat ay isabuhay din natin. 


Ang sensitivity training ay isang hakbang, pero hindi dito dapat matapos. Sana ito ay maging isang kultura na. At kung ang bawat drayber, konduktor, at pasahero ay may malasakit, wala nang may kapansanan na masasaktan sa biyahe.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page