top of page

Senior High School grads, aprub maging child development workers

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 1 day ago
  • 2 min read

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | May 22, 2025



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian

Isa pang oportunidad ang nagbukas para sa ating mga senior high school graduates noong mapirmahan ang Early Childhood Care and Development System Act (Republic Act No. 1299). Sa ilalim ng naturang batas, maaari silang maging child development worker (CDW) kung maipasa nila ang isang assessment na libreng isasagawa ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).


Maliban sa pagpapatatag ng mga programa at serbisyong may kinalaman sa early childhood care and development (ECCD), isinusulong din ng batas ang professionalization ng ating Child Development Teachers (CDTs) at CDWs. Kung babalikan natin ang Year One Report ng Second Congressional Commission (EDCOM II), lumalabas na 52.2% lamang ng ating mga CDWs ang nakapagtapos ng kolehiyo, samantalang 16.8% ang may high school diploma.


Maaaring kuwalipikasyon din ng pagiging CDW ang pagkakaroon ng associate degree in early childhood education, at ang pagtatapos ng dalawang taon sa kolehiyo. Mandato rin ng batas sa mga kasalukuyang CDWs na sumailalim sa mandatory upskilling at reskilling sa ECCD o early childhood education.


Sa Early Childhood Care and Development (ECCD) Council manggagaling ang mga programang ito, samantalang ang TESDA naman ang magsasagawa ng libreng assessment upang makatanggap sila ng certification. Imamandato rin sa ECCD Council na makipagtulungan sa Commission on Higher Education (CHED) at TESDA upang tiyaking may ECCD training programs sa bansa, may mga degree at associate programs para sa early childhood education, at may pagkilala sa dating pag-aaral ng ating mga CDWs at CDTs.


Sa ilalim ng batas, mag-uugnayan ang ECCD Council at CHED upang magkaroon ng scholarship program para sa pagpapatuloy ng edukasyon ng ating mga CDWs. Kukumpletuhin ng ating mga CDWs ang kanilang mga bachelor’s degree at kakailanganing kumuha ng Board Licensure Examination for Professional Teachers (BLEPT). Kakailanganin namang magbigay ng return service ang mga scholars at itatakda ng ECCD Council kung gaano katagal ito.


Imamandato rin sa Department of Budget and Management (DBM) at Civil Service Commission (CSC) na repasuhin ang mga kuwalipikasyon para sa mga Day Care Worker I (DCW I) at DCW II. Magkakaroon ng rebisyon sa kanilang mga plantilla position titles at qualification standards batay sa mga probisyon ng bagong batas kabilang ang edukasyon, certification, karanasan, pagsasanay o training, at iba pa.


Sa pamamagitan ng mga hakbang na ito, matitiyak nating may sapat na kakayahan at kuwalipikasyon ang ating mga CDTs at CDWs na silang nagpapatatag sa pundasyon ng ating mga kabataan.

Tagumpay ding maituturing para sa ating mga CDTs at CDWs ang bagong batas na ito, kaya naman umaasa ang inyong lingkod na maipapatupad ito nang epektibo at ganap.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

Commentaires


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page