ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Enero 26, 2024
PANLOLOKO NG PCSO SA MGA TUMATAYA SA LOTTO, PANG-GUINNESS WORLD RECORDS, SABI NI SEN. IMEE – “Pati ba naman ‘yung kahuli-huling pangarap makaahon at magkapera, nanakawin pa rin sa panloloko. Grabe naman sila!” Ito ang banat ni presidential sister, Sen. Imee Marcos noong Enero 22, 2024 sa mga opisyal ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) nang mabulgar na edited ang larawan ng babaeng inilathala ng PCSO na nagwagi raw ng higit P43 million jackpot sa lotto.
Sabi pa ni Sen. Imee, ang panlolokong ginagawa ng PCSO officials sa mamamayan ay pang-Guinness World Records daw dahil hindi rin umano kapani-paniwala na sa nakalipas na anim na buwan ay 433 tao na ang tumama ng jackpot sa lotto.
Sa mga atake ni Sen. Imee ay kapalmuks na lang sina PCSO Chairman Junie Cua at PCSO General Manager Melquiades Robles kapag hindi pa sila tinablan ng hiya, kapag hindi pa sila nag-resign sa puwesto, period!
KASAMA KAYA SA IBIBIDA NG MARCOS ADMIN SA ‘KICK-OFF RALLY’ NG BAGONG PILIPINAS ANG PAGTAAS NG PRESYO NG GATAS, SARDINAS, SABON ATBP? -- Isang araw matapos aprubahan ng Dept. of Trade and Industry (DTI) ang taas-presyo ng gatas, sardinas, sabon at iba pang grocery items, inanunsyo ng Malacañang na magkakaroon daw ng “kick-off rally” ang Bagong Pilipinas na gaganapin sa Quirino Grandstand sa Enero 28, 2024.
Kasama kaya sa ibibida ng Marcos admin sa kick-off rally ng Bagong Pilipinas na tumaas ang presyo ng gatas, sardinas, sabon at iba pang grocery items? Boom!
◘◘◘
MAG-AMANG DUTERTE, SEN. DELA ROSA AT SEN. BONG GO, ‘INUUNGGOY’ BA NI P-BBM SA ISYU NG ICC? -- Nagpalabas ng statement si former Sen. Antonio Trillanes na noong December 2023 pa nakapasok sa Pilipinas ang mga imbestigador ng International Criminal Court (ICC) at tapos na raw ang ginawang imbestigasyon nito patungkol sa extrajudicial killings (EJK) na naganap sa bansa noong panahon ng Duterte administration.
Kung ganu’n, “inuunggoy” lang pala ni Pres. Bongbong Marcos (P-BBM) ang mag-amang ex-P-Duterte, Vice Pres. Sara Duterte-Carpio, Senators Ronald dela Rosa, Bong Go at ang mamamayang Pinoy sa sinabi niyang hindi makikipagtulungan ang Marcos admin sa ICC, period!
◘◘◘
NAGMISTULANG KOMEDYANTE ANG DOTr SA SINABING MAG-COMMUTE ANG MGA DE-KOTSE PERO PAGSAPIT NG ABRIL 2024 PAGBABAWALAN NAMAN BUMIYAHE ANG MGA JEEP AT UV EXPRESS NA ‘DI PUMALOOB SA KOOPERATIBA AT KORPORASYON -- Pulos “ha-ha-ha” ang reaksyon ng netizens sa sinabi ni Dept. of Transportation-Command and Control Operations Center (DOTr-CCOC) Chief Charlie del Rosario na ang mamamayan daw na de-kotse ay huwag nang gumamit ng kotse sa mga pupuntahan at sumakay na lang daw sa mga public transport para raw maibsan ang malalang problema ng trapiko sa Metro Manila.
Marami talaga ang matatawa dahil parang komedyante ang mga taga-DOTr, kasi mantakin n’yo, sa buwan ng Abril 2024 ay hindi na papayagan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na mamasada ang libu-libong traditional jeepney at UV express na hindi pumaloob sa mga kooperatiba at korporasyon, na sa panahon na iyon ay tiyak magkakaroon na ng transport crisis dahil sa konting pampublikong sasakyan na lang ang bibiyahe, tapos nanawagan si DOTr-CCOC chief Del Rosario sa mga de-kotse na mamasahe na lang sa kanilang mga pupuntahan, boom!
Commentaires