SEN. GRACE, AMINADONG SI LOVI ANG KAMUKHA NI FPJ
- BULGAR
- Sep 4, 2023
- 2 min read
ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | September 4, 2023

Ipinagdiwang ni Senadora Grace Poe-Llamanzares ang kanyang ika-55th kaarawan kahapon, Setyembre 3, at malaman ang birthday greetings sa kanya ng kapatid niyang si Lovi Poe-Blencowe.
Base sa pagkakatanda namin ay ngayon lang binati ni Lovi ang Ate Grace niya in public by posting her picture and their picture together during her wedding.
Ang caption sa larawang naglalakad si Senadora Grace bilang isa sa mga bridesmaids: “She has always been someone worth emulating. She’s not named Grace for nothing, and I can’t believe that, that someone is my sister (emoji red heart).”
Sinundan ito ng larawang magkayakap sila, “Today, I celebrate the day you were born. I could only wish to even be half as loving and as graceful as you are. Always love you (emoji red heart).”
Tila ngayon lang nabuksan sa publiko kung gaano pala ka-close at nagmamahalan ang magkapatid dahil hindi naman sila vocal pagdating sa kanilang relasyon.
Maging noong nabubuhay pa si Ginoong Fernando Poe, Jr. ay hindi naman napag-uusapan masyado sina Lovi at Sen. Grace, lalo’t pribadong mamamayan noon ang huli at siya ang legal na anak ni Da King sa namayapang si Ginang Susan Roces.
Sa mensahe ng senadora sa kasal ng kapatid ay naikuwento niyang nakita niya sa unang pagkakataon at nakilala si Lovi sa burol ng ama na umiiyak habang papalapit sa coffin.
Binanggit nitong nakaramdam siya ng pagmamahal hindi lang bilang kapatid kundi parang anak ang turing kay Lovi lalo’t ilang taon lang ang tanda nito sa anak niyang si Brian Poe-Llamanzares at kamukhang-kamukha nito ang amang mahal na mahal niya.
Kung buhay nga raw sana si FPJ ay tiyak na sobrang proud ito kay Lovi sa narating nito ngayon at hindi maikakailang anak siya ng nag-iisang Hari ng Aksyon.
Anyway, nagkaroon na rin ng ideya ang publiko na super-close nga ang mag-ate nang ibalita noon ni Nanay Cristy Fermin sa programa nila ni Romel Chika na Cristy Ferminute sa Radyo 5 92.3 TRUE FM na dadalo sa kasal si Senadora Grace sa UK.
Binabati namin ng maligayang kaarawan si Senadora Grace Poe-Llamanzares!





Comments