top of page
Search

Sen. Dela Rosa, may paiyak-iyak pa nang mag-resign si Sen. Zubiri, pero isa pala siya sa nagpatalsik dito

BULGAR

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | May 23, 2024



Prangkahan ni Pablo Hernandez


KUNG NAGING KOMEDYANTE SA SHOWBIZ SI SEN. DELA ROSA, PATOK LAGI SA TAKILYA ANG COMEDY FILM NIYA -- Ang pinakakuwelang senador ng Pilipinas ay si Sen. Ronald Dela Rosa.


Mantakin n’yo, may paiyak-iyak pa siya sa Senado nang mapatalsik si Sen. Migz Zubiri na Senate president na ang akala ng publiko ay nakikisimpatiya siya sa nangyari rito, eh ‘yun pala ay isa siya sa lumagda para patalsikin ito bilang Senate president.


Eh sa totoo lang, kung naging komedyante sa showbiz si Sen. Dela Rosa, siguradong patok sa takilya ang pagbibidahan nitong comedy film, boom!


XXX


HINDI PALA CHA-CHA ANG SANHI KAYA PINATALSIK SI ZUBIRI BILANG SENATE PRESIDENT, KUNDI SA ISYU NG ‘PDEA LINKS’ -- Ikinasama pala ng loob ni Sen. Zubiri nang makita niya na isa si Sen. Dela Rosa sa lumagda para patalsikin siya bilang Senate president.


At dahil d’yan ay nasabi ni Sen. Zubiri na ang pagtatanggol niya sa komite ni Sen. Dela Rosa na nagsasagawa ng imbestigasyon sa “PDEA links” na nagsasangkot sa noo’y Sen. Bongbong Marcos sa pagsinghot umano ng cocaine ang naging sanhi kaya siya natanggal bilang Senate president.


Kung ganu’n, hindi pala ang pagkontra ni Sen. Zubiri sa Charter Change (Cha-cha) ang tunay na dahilan kaya nasipa siyang Senate president, kundi ang pagpapahintulot niya kay Sen. Dela Rosa na imbestigahan ang pagkakasangkot ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) sa “PDEA links,” period!


XXX


PRESIDENTE, VP, SENATE PRESIDENT, SPEAKER AT CHIEF JUSTICE, PUWEDE RAW MAG-FEELING VIP SA KALSADA -- Ayon sa Metro Manila Development Authority (MMDA), bukod sa mga ambulansyang may lulang pasyente, rumerespondeng fire trucks at police patrol cars ay kabilang daw sa mga puwedeng dumaan sa busway para makaiwas sa trapiko ay ang presidente, bise presidente, Senate president, House speaker at chief justice.


Sa totoo lang, unfair sa ordinary citizens ang patakarang iyan ng MMDA na pinahihintulutang dumaan sa busway ang presidente, VP, Senate president, House speaker at chief justice para hindi sila matrapik dahil sa panahon ni yumaong former Pres. Noynoy Aquino mula nang ideklara niyang “bawal ang wangwang” ay hindi siya nagpi-feeling VIP sa kalsada, pero sa administrasyong Marcos ay gusto nilang ipamukha sa mamamayan na silang mga nasa kapangyarihan ay dapat ituring na mga VIP sa kalsada, buset!


XXX


SA PAGLAGAPAK NG PISO KONTRA DOLYAR, ASAHAN NA KASUNOD ANG PAGTAAS NG PRESYO NG MGA BILIHIN AT BAYARIN -- Sunud-sunod na naman ang paglagapak ng halaga ng piso sa dolyar.


Dahil diyan ay asahan na rin ang sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at bayarin, nakupo!

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page