top of page
Search
  • BULGAR

Sen. "Bato", seryoso kuno sa pagka-pangulo, hindi naman swak sa puwesto

ni Ka Ambo - @Bistado | October 20, 2021


GIYERA-PATANI na ang mga kandidato sa 2022 May election.


May mga nagtatanong: Hindi ba kakandidato ang PNP chief na si Gen. Guillermo Eleazar?


◘◘◘


LUMABAS ang isyung ito nang magdeklarang kandidato bilang pangulo si Sen. Ronaldo "Bato" dela Rosa.


Ang problema, pinaghihinalaang naghihintay lang si Gen. Bato ng ka-substitution bago mag-deadline sa Nobyembre 15!

◘◘◘


INUULIT-ULIT ni Sen. Bato na seryosong presidential candidate siya pero lihim siyang pinatututsadahan.


Bilang dating PNP Chief, hindi maiiwasang ikumpara siya sa dati ring hepe ng PNP na isa ring kandidato sa pagkapangulo na si Sen. Ping Lacson!


◘◘◘


MALAYO na ang naabot ni Lacson na isa ring dating pulis sa panahon ni dating Pangulong Marcos hanggang sa hugutin siya ni Pangulong Erap at kumandidatong senador.


Nagkaroon na ng sariling pangalan si Lacson pero bitbit niya ang performance sa panahon ng Martial Law at panahon ni Erap!

◘◘◘


NANGHIHINAYANG ang marami sa kalidad at reputasyon ni Gen. Eleazar dahil nakaangat ang kanyang performance kumpara sa lahat ng naging PNP chief sa panahon ni P-Digong.


Hindi raw ba puwedeng kumandidato si Eleazar matapos ang kanyang retirement age sa Nobyembre 13?


◘◘◘


BITIN ang serbisyo ni Eleazar na ilang buwan nanungkulan bilang PNP chief kaya’t maaaring ituloy niya ang serbisyo bilang senador matapos ang pagreretiro.


Sana raw ay kumandidato rin sa Senado si Eleazar upang magkaroon ng sariwang lider sa upper chamber.

◘◘◘


MAAYOS kasi ang pakikitungo ni Eleazar sa lahat ng klase ng tao sa lipunan, istrikto siya pero may puso.


Pero kung gaano ka-istrikto si Gen Eleazar sa mga tiwaling pulis, wala naman siyang kapintasan sa mababait at magagaling na pulis!


◘◘◘


KINAKASUHAN, sinisibak at dinidisiplina ni Eleazar ang mga iskalawags pero ginagawaran niya ng medalya ang matitino at magagaling na pulis.


Hindi nakapag-file ng Certificate of Candidacy si Gen Eleazar dahil nasa aktibong serbisyo pa siya.


Gayunman, may mga nagsasabing maaari pa naman siya humabol sa pamamagitan ng substitution.


Sa kaso ni Eleazar, d'yan dapat ginagamit ang probisyon ng Election Code sa substitution!


◘◘◘


ITINAKDA ang deadline ng pagsusumite ng COC noong Oktubre 8.


Pero ang deadline sa substitution ay itinakda sa Nobyembre 15!


◘◘◘


MAGRERETIRO sa Nobyembre 13 si Eleazar.


Ibig sabihin, eksakto sa petsa ng kanyang pagreretiro ay puwede siyang pormal na sumanib sa isang partido na accredited ng Comelec.


Matapos maayos ang dokumentasyon bilang party member, puwede siyang mabiyayaan ng probisyon sa substitution sa petsang Nob. 14 o Nob. 15—at pasok ito siya sa deadline!


◘◘◘


HINDI political figure ang apelyidong Eleazar sa national politics.


Pero, incumbent mayor sa kanyang bayan sa Tagkawayan, Quezon ang kanyang kapatid na si Carlo!


◘◘◘


MAUGONG ang pangalan ng tatlong baguhang kandidato kasama si Raffy Tulfo, Eleazar at si Willie Revillame.


Pero,tinanggihan ni Revillame ang alok ng mga pulitiko na kumandidato.


Isang malaking paghamon naman kay Eleazar na pakinggan ang pakiusap ng mga umaasa sa kanya ng pagsusulong pagbabago sa burukrasya!

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page