Sen. Bato sa mga kabataan: ‘Wag puro TikTok, mag-ROTC kayo!
- BULGAR

- Feb 5, 2023
- 2 min read
ni Mylene Alfonso | February 5, 2023

Ipinagtanggol kahapon ni Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa ang muling pagbabalik ng Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) sa mga eskuwelahan sa halip na mag-TikTok ang mga kabataan.
“Iyong ating kabataan, instead na magsige reklamo, magsigeng TikTokTikTok lang d’yan, dapat ihanda natin ang ating kabataan para gampanan ‘yung kanilang constitutional duty na depensahan ang ating bayan sa panahon ng pangangailangan,” pahayag ni Dela Rosa sa panayam ng ABS-CBN TeleRadyo.
Batay sa Konstitusyon, maaaring i-require ng gobyerno ang lahat ng mamamayan na magsilbi sa militar kung kinakailangan.
Dapat na umanong ibalik ang ROTC upang magkaroon ng dagdag na puwersa ang Pilipinas sa oras ng tangkang panghihimasok ng ibang bansa, tuwing may sakuna at krisis.
“Alam natin may looming threat tayo dito sa South China Sea, ‘yung pag-occupy ng China d’yan sa ating mga teritoryo d’yan sa South China Sea. Kailangan ready tayo, dahandahan na silang umaabante dito.
‘Yung harapan ng Palawan natin, nakikita na ‘yung mga presensiya nila d’yan,” paliwanag ni Dela Rosa.
“National defense is the strength of the country. If you have a weak national defense then you have a weak country. You cannot be respected. Puwede kang bully-bully-hin lang ng mga kapitbahay mo because [para sa kanila] mahina ka, mahina ka na bansa. So, kailangan talaga natin, strengthen ‘yung ating national defense capability through the imposition of mandatory [ROTC],” saad pa ng senador.
Matatandaang isa sa dahilan kaya tinanggal na ang mandatory ROTC sa mga paaralan ay dahil sa isyu ng korupsiyon at pang-aabuso. Pero sinabi ni Dela Rosa na may mga inilatag na proteksiyon ang bagong bersiyon ng programa.
“Naglagay tayo ng grievance board. Ito ay bubuuhin ng taga-DND, tagaTESDA, taga-CHED at school mismo para ito ‘yung mag-address sa mga problema sa corruption, abuse na nagaganap sa ROTC. Kahit walang complainant, basta meron silang naoobserba o may nakarating sa kanilang balita na merong ganitong nangyayari, motupropio they can investigate sa allegation,” giit pa niya.
Matututunan din aniya sa ROTC program ang moral values, personal discipline, love of country, patriotism, nationalism, respect for human rights, adherence to the Constitution, at marami pang iba.
Ani Dela Rosa, hindi rin puro ‘militaristic’ ang ituturo sa bagong ROTC.
“Maybe 50 percent is military, 25 percent is disaster response, 25 percent is for personal development. ‘Yung lahat-lahat ng moral values mga personal discipline, dito nila matutuhan. Kaya all-encompassing itong mandatory ROTC program,” dagdag ng dating PNP chief.








Comments