Socmed, ginagamit — DepEd... Edad 16 pababa, target ng terorista

ni Mylene Alfonso @News | September 23, 2026

Photo: DepEd / File
Suportado ni Education Secretary Sonny Angara ang ang panukalang higpitan ang paggamit ng social media ng mga batang 15 o 16 taong gulang pababa upang higit na maprotektahan ang mga menor-de-edad sa online na panganib.
Sinabi ni Angara na mas mainam ang regulasyon kaysa sa agarang pagbabawal ng social media, at hinimok ang mga online platform na magpatupad ng mas mahigpit na child protection protocols.
Aniya, ipinapakita ng ilang pag-aaral na ang mga batang 15 hanggang 16 taong gulang pababa ay nangangailangan ng mas mahigpit na proteksiyon habang gumagamit ng social media.
“Ako, baka regulate. I want these apps to be more regulated and child-friendly, [and to be] more stringent in their child protocol,” tugon ni Angara sa isang ambush interview.
“... I think studies show, 15 to 16 [years old] pababa kailangan talaga i-regulate,” patuloy ng kalihim.
Nilinaw din ni Angara na ang usapin ng kabuuang pagbabawal ng social media para sa mga bata ay nasa kapangyarihan ng Kongreso, at hindi ng Department of Education.
Binigyang-diin niya na dumarami ang mga online platform na umano’y ginagamit ng mga groomer at iba pang grupo upang samantalahin o i-recruit ang mga menor de edad, kabilang ang paggamit ng ilang gaming apps para sa mapanganib na layunin.
“We should regulate it, definitely…Really restrict the use and make it difficult kasi, right now, maraming groomers online. They’re supposed to be a gaming app pero talagang ginagamit for recruitment for terrorism, for nihilistic violence groups,” paliwang ni Angara.
“... It’s about time that we put pressure on these apps to become more child-friendly,” hirit niya.
Kasabay nito, patuloy na pinag-uusapan sa Kongreso at iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, kabilang ang Department of the Interior and Local Government (DILG), ang mga panukalang magpapalakas ng proteksyon sa mga bata laban sa mapaminsalang online content at mga indibidwal na nagmamanipula sa kabataan.
Ang mga naturang panukalang ay umigting matapos ang mga insidente ng karahasan sa paaralan, kung saan sinasabing isa sa mga tinitingnang salik ng mga awtoridad ang impluwensya ng mapanganib na nilalaman at mga taong nakikisalamuha sa mga bata sa internet.





Comments