Secretary, magilas sa Juvenile Fillies
- BULGAR
- Nov 23, 2022
- 1 min read
ni Green Lantern - @Renda at Latigo |November 23, 2022
Nagpakitang-gilas si Secretary matapos manalo sa MRHO Breeders' 2-Year-Old Juvenile Fillies na inilarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas noong Linggo.
Nakipagtagisan ng bilis si Secretary kay Sylvia Plath sa unahan, nagsimula ang kanilang banatan paglabas pa lang ng aparato.
Tumagal ang kanilang bakbakan hanggang far turn at nang kumakalas na sa unahan si Secretary ay si Amiable Maxinne naman ang bumuliglig sa winning horse na sinakyan ni star jockey Jeffril Tagulao Zarate.
Subalit pagsungaw ng rektahan ay umunat muli si Secretary kaya naman tinawid nito ang meta ng may limang kabayo ang agwat sa pumangalawang si Winner Parade habang pumang-apat si Amiable Maxinne. Inilista ng anak nina Dance City at Romantic Jewel na si Secretary ang tiyempong 1:25 minuto sa 1,400 meter race sapat upang hamigin ng winning horse owner na si Ronaldo David ang premyong P300,000 sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon. "Maraming magagaling na kabayo ngayon, isa na yan si Secretary na puwedeng ilaban din sa malalaking karera," saad ni Christopher Remulla, veteran karerista.
Nasilo ni Winner Parade ang second place prize na P112,500 habang tig-P62,500 at P25,000 ang third at fourth placers na sina Amiable Maxinne at Make Or Break ayon sa pagkakasunod.





Comments