top of page
Imee Marcos - FB.jpg

Sec. Gadon, imbes tulungan ang mahihirap, rating ni VP Sara ang inaatupag

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 6 hours ago
  • 2 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | July 28, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


IMBES NA ATUPAGIN NI SEC. GADON KUNG PAANO MAPABUTI ANG BUHAY NG MAHIHIRAP NA PINOY, RATING NI VP SARA ANG PINUPUNTIRYA – Pinupuntirya ni Presidential Adviser for Poverty Alleviation Sec. Larry Gadon ang mga survey firm na naglabas ng napakataas na performance rating ni Vice President Sara Duterte. Aniya, wala naman umanong ginagawa ang bise presidente, madalas pang nasa abroad, pero binigyan pa rin ng mataas na grado.


Sa aming pananaw, ang ganitong pahayag ay mas nararapat manggaling sa Presidential Communications Office (PCO) spokesperson na si Usec. Claire Castro, at hindi kay Sec. Gadon.


Ang nais naming ipunto ay dapat pagtuunan ni Sec. Gadon ang kanyang pangunahing tungkulin—ang paghahanap ng mga paraan upang mapabuti ang kalagayan ng mga mahihirap na kababayan—sa halip na atakihin ang mga survey firm at si VP Sara. Period!


XXX


MGA MILITANTE, JOIN NA SA MGA DDS SA IPINAPAKITANG GALIT KAY PBBM – Bago magsimula ang State of the Nation Address (SONA) kahapon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM), nagkagulo na sa Commonwealth Avenue, Quezon City nang atakehin ng mga militanteng grupo ang barikada ng mga pulis. Dahil dito, may mga raliyistang inaresto.


Ang ipinakitang galit ng mga militante kay PBBM ay katulad din ng ipinakikitang galit ng mga Duterte Diehard Supporters (DDS).


Ibig sabihin niyan, hindi lang mga DDS ang galit kay PBBM, kundi maging ang mga militante. Boom!


XXX


SEN. ALAN CAYETANO, KONTRA-SONA – Matapos ang SONA ni PBBM kahapon, si Sen. Alan Cayetano naman umano ang magsasagawa ngayong araw ng kontra-SONA, na nangangahulugang kokontrahin niya ang mga sinabi ng Pangulo sa kanyang talumpati.


Kung ano man ang mga sasabihin ni Sen. Cayetano sa kanyang kontra-SONA ay malamang na pag-atake kay PBBM, dahil tila wala itong planong magsabi ng anumang positibo tungkol sa administrasyong Marcos.


XXX


HINDI PAGSIPOT SA SONA NG MGA SENADOR SA SENATE MINORITY, PAGPAPAKITA ITO NA PALALA NANG PALALA ANG MAGULONG PULITIKA SA ‘PINAS – Ilang senador mula sa Senate minority ang hindi sumipot sa SONA ni PBBM sa Batasang Pambansa sa Quezon City.


Ang kanilang hindi pagdalo ay malinaw na pagpapakita ng matinding hidwaan sa pagitan nila at ng Pangulo. Patunay rin ito na lalo pang umiinit at gumugulo ang sitwasyon ng pulitika sa bansa. Tsk!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page