SEAN, BAWAL TANUNGIN SA KONEKSIYON SA MGA BADING
ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters! | December 13, 2022

Napikon si Ogie Diaz sa road manager ni Sean de Guzman habang iniinterbyu niya ang bida ng My Father, Myself para sa Showbiz Update YouTube channel nila nina Mama Loi at Dyosa Pockoh na in-upload nitong Linggo nang hapon.
Si Sean ang panauhin ng tatlo para i-promote ang entry ng 3:16 Media Network at Mentorque Productions ngayong Metro Manila Film Festival 2022 na idinirek ni Joel Lamangan.
Bati ni Ogie kay Sean, “Nakakaloka, Sean, ha? Naging kontrobersiyal itong ipapalabas n’yo sa filmfest."
"Medyo off daw at parang mahalay daw? Bakit nga ba naging mahalay, Loi?” tanong ni Ogie sa co-host.
“Eh, kasi ‘Nay, istorya ‘to ng parang ‘yung tatay tapos pinatulan ‘yung parang anak-anakan, parang ganu’n,” esplika ni Mama Loi.
Ikinuwento naman ni Sean ang istorya ng My Father, Myself at sabi ni Ogie, “Naloka ako sa inyo, mayroon kayong love scene (ni Jake)!”
So, tanong ng talent manager at content creator, “Si Sean ba ay na-involve na sa bading in real life?”
Bago pa nakasagot si Sean ay may sumenyas na kay Ogie na hindi raw puwedeng itanong ‘yun.
“Huh? Hindi puwede ‘yun?” napapikit na reaksiyon ni Ogie, bagay na ayaw na ayaw niyang may nakikialam sa panayam niya dahil nakakasira sa flow.
Madalas itong ibahagi ni Ogie na hangga’t maaari, kapag may celebrity guests sila ay ayaw niyang pasamahin ang manager o road manager dahil ayaw niya ng may nakikialam o nagdidikta kung ano ang isasagot ng artista.
Kitang-kita na nahihiya rin si Sean sa ginawang pagbabawal ng road manager niya, “Okay lang ‘yun, ate.”
Iniba ni Ogie ang tanong, “So, ikaw ba ay pinagpapantasyahan ng mga bading? Meron ka bang in-entertain na bading? I’m sure meron lalo na sa social media nagdi-DM (direct message) o nagp- PM (private message) sa ‘yo?”
Habang sumasagot si Sean na marami nga raw nagpapadala ng mensahe sa kanya ay muling sumenyas ang road manager kaya muling nabaling ang atensiyon nina Ogie, Mama Loi at Dyosa Pockoh.
Sabi ng road manager, "Pasimplehan na lang po ‘yung questions."
Katwiran ni Ogie, “Eh, ‘yun ang ginagawa niyang movie, ate?”
Sagot ng road manager, binilinan sila na ilayo nila si Sean sa mga ganu’ng tanong.
Hirit ng host, “Hindi ko gets, bakit ginawa ‘yung movie tapos ayaw n’yong itanong ko?
Ano'ng gusto n’yong itanong ko sa kanya?”
Sinalo ni Sean, “Okay lang, ‘te, puwede naman.”
“Regarding lang po sana sa movie,” diin ng road manager.
“Oo nga, ‘yun nga ang itinatanong ko, tinutulungan ko nga ang pelikula n’yo. Ano ba'ng feeling n’yo, virgin pa ‘to (Sean)?” iritableng sabi ni Ogie.
Nakatulala naman sina Mama Loi at Dyosa sa nangyayari dahil hindi naman din nila alam ang sasabihin.
"Para po sana malayo si Sean sa (tanong tungkol sa bading),” katwiran ng road manager.
“Ilayo saan? Gusto ninyo, sa tomboy ko siya i-link?” buwisit na sabi ni Ogie.
Hanggang sa sabihin na ni Ogie kay Sean na “Nadi-distract ako. Bakit ka ba nagsasama ng nangingialam?”
Hindi na alam ni Mama Loi kung ano ang gagawin dahil tumatalak na si Ogie sa road manager ni Sean na gusto raw siguro nitong mag-artista kaya ipinakita na sa harap ng camera.
Ang ending, prank lang pala ang lahat kaya lokang-loka sina Mama Loi at Dyosa Pockoh.





Comments