top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

Sea Lions at Blue Hawks, mababangis sa NCRAA

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Apr 15, 2023
  • 2 min read

ni Anthony E. Servinio @Sports | April 15, 2023




Parehong nanatiling walang bahid ang kartada ng Olivarez College Sea Lions at Immaculada Concepcion College Blue Hawks sa pagpapatuloy ng 29th National Capital Region Athletic Association (NCRAA) Seniors Basketball Tournament noong Huwebes sa Polytechnic University of the Philippines Gym sa Santa Mesa, Maynila.


Sumabay din sa martsa ng mga nanalo ang De La Salle University-Dasmarinas Patriots at ipinagbuti ang pag-asa sa quarterfinals.


Sa tampok na laro, giniba ng Blue Hawks ang host PUP Radicals, 93-57, para sa 5-0 panalo-talo. Bumanat ng 15 sunod-sunod na puntos ang ICC sa second quarter upang baligtarin ang pagkalugmok sa 23-30 at itayo ang 38-30 lamang na hindi na nila binitawan.


Namuno sa Blue Hawks si Jake Gaspay na may 17 puntos at sumuporta si Alfred Flores na may 16. Hindi nagpreno ang ICC at ang huling iskor ay siya ring pinakamalaking agwat na 36 puntos.


Pinagpag ng Olivarez ang malamyang simula at tuluyang binigo ang Philippine Merchant Marine School Mariners, 86-74, para sa kanilang ika-walong sunod. Kumuha ng lakas ang Sea Lions kay Edmund dela Cruz na ipinasok ang 10 ng kanyang 18 puntos sa second quarter patungo sa 45-33 lamang sa halftime na lumobo sa 77-59 sa kalagitnaan ng fourth quarter.



Hinilo ng Patriots ang Bestlink College of the Philippines Kalasag sa pagbuhos ng 31 puntos sa third quarter upang maukit ang 84-79 tagumpay at pantayin ang kanilang kartada sa 3-3. Nagpasikat ng todo si reserba Ronroy Bunda sa 17 ng kanyang 26 puntos sa third quarter na may kasamang 12 rebound sa 27 minuto.


Samantala sa Women’s Division, naitala ng PMMS Lady Mariners ang kanilang unang tagumpay matapos ang dalawang talo at pinaluhod ang Bestlink Lady Kalasag, 71-56. Uminit para sa 26 puntos at 12 rebound si Lea Supan.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page