top of page

Scotland, nileksiyunan uli ang Filipinas sa Pinatar Cup

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Feb 26, 2024
  • 2 min read

ni Anthony Servinio @Sports | February 26, 2024



ree


Laro ngayong Martes – Pinatar Arena


Pilipinas vs. Slovenia (para 3rd) 



Inulit ng Scotland ang kanilang dominasyon sa Philippine Women’s Football National Team, 2-0, sa semifinals ng 2024 Pinatar Cup Sabado ng gabi sa Pinatar Arena ng Murcia, Espanya.  Noong 2023 edisyon ng torneo, yumuko ang Filipinas sa mga Scot, 2-1. 


Dalawang maagang goal ni Martha Thomas ay sapat upang itulak ang Scotland sa championship match sa Martes laban sa Finland.  Nilusutan ng Finns ang Slovenia sa sumunod na laro, 1-0, sa likod ng goal ni Linda Sallstrom sa ika-19 minuto. 


Umatake ang Scotland at matapang na sinangga ni Filipinas goalkeeper Olivia McDaniel ang sipa ni Erin Cuthbert.  Subalit hindi niya nakontrol ito at tumalbog ito patungo sa naghihintay na si Thomas para makauna sa ika-23. 


Lalong bumangis ang mga Scot at pinasahan ni Claire Emslie si Thomas para sa pangalawang goal, 2-0, sa ika-37.  Muntik na rin maka-goal si Emslie bago matapos ang first half.


Napilitang ilabas ang napilay na si Meryll Serrano, ang naka-goal sa kanilang tapatan noong nakaraang taon, sa ika-55 kapalit ni Jessica Miclat.  Isang mas matatag na depensa ang inilabas ng Filipinas sa second half subalit masyadong malalim ang butas na inihukay ni Thomas. 


Haharapin ng mga Pinay ang Slovenia para sa 3rd Place sa Martes din. Layunin nila na higitan ang kanilang pagtapos ng pang-apat at huli noong 2023, sa unang salang sa torneo. 


Samantala, binuksan ng De La Salle University ang 86th UAAP Women’s Football Tournament sa 5-0 tambakan sa matinding karibal Ateneo de Manila University noong Sabado ng gabi sa UP-Diliman Football Stadium.  Nag-ambag ng tig-dalawang goal ang miyembro din ng pambansang koponan Alisha del Campo (18’, 77’) at Maria Layacan (24’, 88’) at isa mula kay Reese Jumawan (73’). 


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page