'Saturday classes', pambawi sa nawalang araw ng klase
- BULGAR

- Jul 31, 2024
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | July 31, 2024

Para sa mga paaralan na nagpaliban ng pagbubukas ng klase sa School Year 2024-2025 nitong July 29, iminungkahi ng Department of Education (DepEd) na magkaroon sila ng pasok sa araw ng Sabado.
Ayon kay DepEd Secretary Sonny Angara, ang ‘Saturday classes’ ay layon na makahabol ang mga mag-aaral sa mga aralin na nawala at hindi mabitin ang school days na nakatakda sa kanilang school calendar.
Matatandaang maraming mga eskwelahan ang nag-postpone ng opening ng kanilang mga klase noong nakaraang Lunes, matapos ang pananalasa ng Bagyong Carina at Habagat na nagdulot ng malawakang pagbaha sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Nagdesisyon ang ilang paaralan na labis na naapektuhan ng pagbaha na huwag na munang umpisahan ang kanilang klase at piniling iurong ito ng isang linggo, habang ang ibang iskul ay ginawa namang evacuation center.
Marahil, tama lang na magkaroon na ng make up classes para sa lahat ng estudyante na hindi nakapasok agad bilang pamalit din sa nawalang araw ng kanilang mga lesson.
Sayang din kasi ang isang linggong nakalipas na dapat nilang natutunang aralin, kung saan nadagdag pa sana sa kanilang kaalaman.
Mabuti na ‘yung may Saturday classes para pambawi at maging suporta sa kanilang pag-aaral, at nang hindi tamarin ang ating mga estudyante.
Kumbaga, bakasyon agad ang nangyari sa halip na pormal na simulan muna ang klase.
Sa mga magulang, intindihin na lang muna natin ang sitwasyon at makiisa tayo sa planong ito ng kagawaran. Isipin natin na para ito sa kabutihan at kapakinabangan ng ating mga anak.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments