Sartorial Elegance nanlampaso sa Turf
- BULGAR
- Jul 31, 2023
- 1 min read
ni Green Lantern @Renda at Latigo | July 31, 2023
Inilampaso ni top favorite Sartorial Elegance ang mga katunggali matapos ang walang kahirap-hirap na pagtawid sa meta nang manalo ito sa 3-Year-Old & Above Maiden Race na inilarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas noong Sabado ng hapon.
Relax na ginabayan ng hineteng si John Allyson Pabilic si Sartorial Elegance, maganda ang naging salida sa aparato kaya naipuwesto niya ito sa pang-apat para panoorin ang nagbabakbakan sa unahan na si Lagertha at Mount Piapayungan.
Pagsapit ng far turn ay lumalapit kina Lagertha at Mount Piapayungan si Sampaloc's Pride habang nagsisimula na rin uminit si Sartorial Elegance.
Pagdating ng home turn ay nagkapanabayan na sa unahan sina Mount Piapayungan at Sartorial Elegance at sa rektahan ay umungos na ang winning horse.
Nakalamang si Sartorial Elegance ng apat na kabayo sa pumangalawang si Mount Piapayungan, tersero si Sampaloc's Pride at pang-apat si Lagertha.
Ipinasang tiyempo ni Sartorial Elegance ang 0.59.6 segundo sa 1,000 meter race sapat upang hamigin ang P20,000 added prize sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM).
Nagpakitang gilas din si Munich sa PHILRACOM Rating Based Handicapping System na pinakawalan sa pangalawang karera.
Nagtala ng tiyempong isang minuto sa 1,000 meter race si Munich para hamigin ang karagdagang P10,000 premyo
Samantala, walong races ang pinakawalan ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) noong Sabado kaya medyo mahaba-haba ang paglilibang ng mga karerista.





Comments