SARAH, NAGSORI NA SA PARENTS SA PAGPAPAKASAL KAY MATTEO
- BULGAR
- Oct 30, 2022
- 3 min read
ni Vinia Vivar - @Frankly Speaking | October 30, 2022

Sa kauna-unahang pagkakataon ay naglabas ng isang madamdaming open letter si Sarah Geronimo kahapon sa kanyang Instagram page. Ang nasabing liham ay para sa kanyang pamilya lalung-lalo na nga sa kanyang mga magulang na sina Mommy Divine and Daddy Delfin Geronimo.
As we all know, matagal-tagal na ring hindi in good terms si Sarah sa kanyang pamilya na nagsimula pa nang magpakasal sila ni Matteo Guidicelli two years ago.
Sa nasabing open letter ay humingi ng tawad si Sarah sa kanyang pamilya.
“Magandang araw po. Nawa'y ligtas po tayong lahat mula sa bagyo.
“Hindi ko po ito madalas gawin dahil gusto ko pong mapanatiling pribado ang aking personal na buhay pero pinipili ko pong kunin ang pagkakataon na ito para pasalamatan ang Diyos, ang aking pamilya at ang aming mga fur babies para sa inspirasyon na patuloy na maging malakas, masaya, at mapagmahal sa buhay anumang hirap o pagsubok ang aking harapin," ang simula ni Popstar.
“Gusto ko ring kunin ang pagkakataon na ito, sa paraan din na ito… na humingi ng tawad sa aking pamilya na labis na nasaktan sa aking mga naging desisyon sa buhay. Patawad po,” patuloy niya.
Kasunod nito ay nagpasalamat si Sarah sa kanyang mga magulang at sinabing mahal na mahal niya ang mga ito’t araw-araw niyang nami-miss.
“Sa aking mga magulang… walang hanggan po ang pasasalamat ko para sa buhay na ibinigay n'yo sa akin, sa aming magkakapatid. Lahat ng suporta at pag-aaruga… ang inyong walang katumbas na pagmamahal, walang sinuman ang puwedeng makapagpunan po nito.
“Mahal na mahal ko kayo… daddy at mama ko. Araw-araw ko po kayo
nami-miss at naiisip."
Ibinahagi rin ng singer/aktres ang kanyang naging realization o natutunan sa nangyari sa kanila ng kanyang pamilya.
“Ito ay ang pang-unawa at pagtanggap na walang perpekto na buhay o pagmamahal mula sa ating mga tao lamang.
“Ang pinakaimportante ay ang pagpapakumbaba na tanggapin ang katotohanan na ito at pagtutulungan na maging mas mabuti at mapabuti ang buhay ng bawat isa lalung-lalo na sa isang pamilya. Dahil ang pamilya ay binuo ng Diyos, at patuloy itong magiging buo kung pagmamahal at pagpapakumbaba ang paiiralin sa ating mga puso anuman ang pagkakaiba o maging choices, desisyon sa buhay ng bawat isa,” aniya.
“Napakadali rin para sa atin na manghusga at magbigay ng opinyon sa buhay ng iba. Wala tayong kontrol sa pag-iisip nila, ang pinakaimportante ay alam mo kung ano ang katotohanan sa puso mo.
“The truth is in the end, it's just really between you and God. In my darkest hour, I was also reminded to look to God and feel his unfailing love and faithfulness through His word and grace. I have learned to find joy and peace again in God alone. The author of love and the perfecter of our faith,” patuloy niya.
Nagbigay din ng paalala si Sarah sa mga tao na huwag kalimutang pahalagahan ang ating mga mahal sa buhay.
“Gusto ko lang po ipaalala sa ating lahat, dahil napaka-busy natin o preoccupied dahil sa ating kani-kanyang buhay, na 'wag po nating kakalimutang pahalagahan ang bawat oras at pagkakataon na ibinibigay sa atin ni Lord para maiparamdam sa ating mga mahal sa buhay kung gaano sila kahalaga, kung gaano natin sila kamahal. Para saan nga ba ang lahat ng ginagawa natin kung hindi para rin sa kanila.
“Malayo man sila o malapit, yakapin natin sila nang mahigpit sa pamamagitan ng pagtanggap at pagpili sa kanila,” mensahe ni Sarah sa mga netizens.
Nagpasalamat din siya sa kanyang mga Popsters at sa kanyang manager na si Boss Vic del Rosario of Viva.
“Sa aking mga Popsters na patuloy na sumusuporta sa akin bilang isang artist at umuunawa sa akin bilang normal na tao… napakasuwerte ko sa inyo. Kayo ang unang nagbigay sa akin ng pagkakataon na mapansin bilang isang mang-aawit at artista. Maraming-maraming salamat sa inyo.
“Sa akin pong manager for almost 20 yrs., Boss Vic, kayo po ang naging instrumento ni Lord para matupad namin ng aking pamilya ang pangarap ko na maging singer at artista… ang magkaroon ng mas magaan at komportable na buhay. Maraming-maraming salamat po, Boss Vic. Sa aking buong Viva family, salamat,” pahayag ni Sarah.
Sa huli ay nagbigay ng final message si Popstar sa kanyang buong pamilya at inialay niya sa mga ito ang kanyang muling pagbabalik sa musika. Nagpahayag din siya ng pagnanais na makasama ang kanyang pamilya habang siya ay nabubuhay.
“Sa aking buong Geronimo family, mula noon hanggang ngayon, kayo ang inspirasyon ko sa buhay. Para sa inyo ang aking muling pagyakap sa musika at pagkakataon na muling makapagbigay ng saya at inspirasyon sa ibang tao.
“Ngunit bilang isang anak at kapatid, para sa akin, ang makasama kayo habang ako ay nabubuhay nang may pagmamahalan at kapayapaan sa ating mga puso ang tunay na ibig sabihin ng mga salitang tagumpay at kaligayahan.
“Muli, maraming salamat para sa inyong pagmamahal at para sa inspirasyon. Mahal na mahal ko kayo,” ang pagtatapos ni Sarah.





Comments