top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Sapat na ayuda sa mga apektado ng ‘granular lockdown’, tiyakin bago ipatupad

BULGAR
Aug 31, 2021
2 min read

Updated: Sep 1, 2021

ni Ryan Sison - @Boses | August 31, 2021


Dahil sa patuloy na pagtaas ng mga kaso ng COVID-19, gayundin ang Delta variant, naghahanda na ang mga mayor sa National Capital Region (NCR) para sa pagpapatupad ng granular lockdown.


Ito ang tiniyak ni MMDA Chairman Benjamin Abalos matapos nitong sabihin na noong Biyernes, ang naitalang reproduction rate sa Metro Manila ay nasa 1.46, base sa pag-aanalisa ng OCTA Research Group.


Aniya, habang inaalam pa ang mga lugar na may mataas na bilang ng hawaan, nasa 3,700 kabahayan ang kasalukuyang nasa lockdown.


Ang granular lockdown ay mahigpit na quarantine na limitado sa isang street o barangay at layunin nitong paliitin ang bilang ng hawaan.


Kamakailan, iminungkahi ni Interior Secretary Eduardo Año ang pagpapatupad ng granular lockdown sa bansa, pero kailangan pa itong aprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte.


Kung ito ang nakikitang paraan ng mga lokal na opisyal upang mapigilan ang hawaan sa kanilang nasasakupan, ipatupad na. Pero panawagan natin na sana lang ay mapaghandaan ito.


Matatandaang sinabi na hindi papayagang lumabas ang mga APOR (authorized persons outside residence) na nasa granular lockdown. Ibig sabihin, walang kayod at walang pantustos sa mga pangangailangan.


Kaya pakiusap sa mga lokal na pamahalaan, upang masiguradong hindi talaga lalabas ang mga taong apektado ng lockdown, tiyaking maibibigay natin ang kanilang mga pangangailangan tulad ng pagkain.


Habang nakikita nating todo-sikap ang mga lokal na pamahalaan sa pagtugon sa pandemya, dapat tiyak at napaghandaan ding maigi ang hakbang na ito para tunay na maging epektibo.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page