Santos, swak na sa Elite PBA 10,000 Point Club
ni MC - @Sports | July 5, 2022

Pasok na si dating PBA MVP Arwind Santos sa elite 10,000 point club ng PBA league noong Sabado na tila magiging hagdan niya sa Hall of Fame.
Nakamit niya ang marka sa kaagahan ng 3rd quarter nang umiskor ng fadeaway shot sa harap ni dating teammate at kaibigang si June Mar Fajardo sa PBA Philippine Cup sa pagitan ng San Miguel Beermen at NorthPort Batang Pier sa Big Dome.
Ang 41-anyos na pride ng Pampanga ang ika-17 miyembro ng special group at ikatlong player sa huling 21-taon na naabot ang mahalagang puntos kasunod nina MVP's James Yap (2017) at Mark Caguioa (2018).
Pinakahuling personal achievement ito ng lanky forward matapos tanghaling Mythical First Team at All-Defensive Team at itinanghal na Defensive Player of the Year.
Kahilera ni Santos sa special group sina 4-time MVP Ramon Fernandez, Alvin Patrimonio, Robert Jaworski, Atoy Co, Bogs Adornado, Abet Guidaben, Allan Caidic, Philip Cesar.
"God is good dahil wala akong injury na malala, healthy pa rin ako, nakakapag-perform pa rin ako at the same time. Hindi ko talaga akalain ito," aniya.
Natipon ni Santos ang 10,012 points matapos makagawa ng 25 puntos sa pagkatapos matalo ng Batang Pier niya, 122-106 sa Beermen.





Comments