top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Santambak na COVID vax malapit nang ma-expire, IATF yari na naman

BULGAR
Apr 6, 2022
3 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | April 6, 2022


Walang magawa ngayon ang pamunuan ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Disease (IATF-EID) kung hindi ang tanggapin ang kabi-kabilang batikos hinggil sa nalalapit na expiration ng santambak na bakuna na iniangkat natin sa kasagsagan ng pandemya.


Sa mga pahayagan, radyo at telebisyon ay tila nagkakaisa na tawagin itong isang malaking kapabayaan sa kabila ng pagsisikap ng IATF na mabigyan ng bakuna ang ating mga kababayan laban sa COVID-19.


Tila kasi naubos na ang naiisip na estratehiya ng IATF para kumbinsihin pa ang marami nating kababayan na magpaturok na ng bakuna kaya nga kukuha pa umano ang Department of Health (DOH) ng ‘social mobilizer’ para palakasin ang kampanya na kailangang magpabakuna.


Sino ba naman ang hindi maaalarma sa panahong ito na nasa kritikal na ang oras para ubusin ang 27 milyong doses ng bakuna laban sa COVID-19 na nakatakdang mapaso o wala ng bisa sa darating na Hulyo.


Huwag tayong pumayag na ang 27 milyong doses na ito ay mauwi lamang sa basurahan gayung marami pa ang hindi nababakunahan sa mga lugar tulad ng Bangsamoro Region, Soccsksargen, Mimaropa, Bicol Region, Central at Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, at Northern Mindanao na sobrang baba ng vaccine coverage.


Nakakapanggigil nga naman sa panig ng ating mga kababayan na nagbabayad ng buwis dahil sila ang unang nakararamdam ng panghihinayang kung hindi magagamit ang inangkat nating bakuna na ngayon ay pinaplanong i-donate na lamang sa ibang bansa.

Hindi naman masama na mag-donate tayo sa ibang bansa kung ito talaga ang ating intensiyon ngunit kung gagawin lang natin ito dahil sa natataranta na ang IATF kung paano ito mauubos nang hindi sila masisisi ay hindi tamang desisyon.


Alalahanin lang sana ng pamunuan ng IATF na ang perang ipinambili ng santambak na bakuna laban sa COVID-19 ay pera ng taumbayan at sa ganitong panahon na grabe ang gastusin ng pamahalaan para tugunan ang pandemya ay dapat na pinagpaplanuhang mabuti ang lahat.


Ang inaalala lang ng ilan sa ating mga kababayan ay posibleng maapektuhan ang IATF kung paano haharapin ang susunod na sitwasyon sakaling muling sumirit ang kaso ng COVID-19 na huwag naman sanang mangyari, pero may mga babala ang mga eksperto hinggil dito.


Simula Pebrero 28, 2021 ay nasa mahigit 243 milyong doses ng bakuna laban sa COVID-19 na may iba’t ibang brand ang dumating sa ating bansa ngunit nasa 149 milyong doses pa lamang ang nagagamit hanggang nitong Marso 29.


Bigyan din naman natin ng pagpupugay ang IATF dahil unang-una ay wala naman talaga tayong pagsasanay at karanasan hinggil sa pagharap sa pandemya na dahil sa kanilang pagsisikap ay nasa mababang Alert Level na ang bansa.


Umabot na rin naman kasi sa kabuuang 65,992,980 ng ating mga kababayan ang ngayon ay fully vaccinated na sa buong bansa at may 12,075,001 na karapat-dapat na indibidwal ang nabigyan naman ng booster shots para sa karagdagang proteksiyon.


Nitong nakaraang linggo ay may mga naglabasang pahayag ng mga eksperto, kabilang na ang ulat ang Clalit Health Services, pinakamalaking healthcare provider ng bansa na ang mga senior citizen na naturukan ng ikalawang booster shot ay 78 porsiyentong lower mortality rate kumpara sa mga isang beses lamang naturukan.


May mga pag-aaral nang isinagawa hinggil dito na kailangan na lamang ay repasuhin ng IATF kung gaano ito kaepektibo at kung paano ito maipatutupad nang walang paglabag sa mga umiiral na panuntunan upang maisagawa na rin ito nang mas maaga.

Kung hirap na ang IATF na kumbinsihin ang ilan pa nating kababayan na magpabakuna ay makabubuti sigurong unahin nang bigyan ng ikalawang booster shot ang mga karapat-dapat nating kababayan na handa at gustong magpabakuna.


Naiintindihan naman natin kung bakit pursigido ang IATF na dapat lahat ng ating mga kababayan ay maturukan ng bakuna para sa kanilang kaligtasan, pero kung ayaw talaga ng ilan nating kababayan ay baka puwedeng unahin na ang mga nais magpaturok ng ikalawang booster shot.


Buo pa rin naman ang tiwala ng taumbayan sa IATF kahit na pumutok ang nakaaalarmang balita hinggil sa naturang expiration at naniniwala ako na hindi naman basta-basta pababayaan na lamang ng IATF na mapunta sa wala ang pinagsikapan nating bakuna laban sa COVID-19.


Hindi sa pinangungunahan natin ang IATF, dahil baka may naiisip silang diskarte para hindi abutin ng expiration ang natitira pang bakuna, pero sana huwag silang magpakita ng pagkataranta sa nalalapit na expiration dahil pati ang taumbayan ay natataranta.


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page