top of page

Sanib-partido para sa malakas na alyansa

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • May 10, 2024
  • 3 min read

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | May 10, 2024



Anak ng Teteng ni Bong Revilla Jr.


Kahit hirap na hirap tayo sa paglalakad dahil sa saklay bunga ng ating operasyon sa nakaraan nating aksidente ay dumalo tayo para saksihan ang mas pinalakas na alyansa sa pagitan ng partido ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ang Partido Federal ng Pilipinas (PFP) at Lakas-CMD. 


Bilang chairman ng Lakas-CMD ay pinilit nating dumalo upang personal nating saksihan ang pagkakaisa ng Lakas-CMD, ang nangungunang partido sa bansa, kasama ang PFP nitong Miyerkules sa isang pagpupulong sa Makati City. Tinawag ito bilang “Alyansa Para


Sa Bagong Pilipinas”, dinaluhan ang pagtitipon ng mga miyembro ng dalawang partido kasama sina Pangulong Marcos, Lakas-CMD President House Speaker Martin Romualdez at PFP President Gov. Reynaldo Tamayo, Jr. 


Sa alyansang naganap ay pinatotohanan na buong-buo pa ang UnityTeam na kumopo sa mga nanalo noong nakaraang eleksyon – na ngayon ay handang sumuporta sa lahat ng plano at programa ng pamahalaan.  


Walang pagsidlan ang tuwa na aking nararamdaman dahil sa pagkakaroon ng matibay na alyansang ito, mas mapapabilis ang pagkakamit ng mga layunin ng administrasyong ito patungo sa Bagong Pilipinas. 


Nagpapasalamat ako kay Pangulong Marcos sa pagkakaroon ng ganitong pagkakaisa.


Ang alyansang ito ay patunay ng kanyang pagsisikap na pagsamahin ang mga Pilipino sa iba’t ibang paniniwala upang magsama-sama sa pag-unlad at pag-usbong. 


Bentahe ang alyansang ito, nakagawa ng malaking hakbang ang Lakas-CMD at PFP sa pagkakatiyak ng tagumpay ng administrasyon sa pagkakaroon ng mga kandidatong susuporta sa kanilang mga programa na mahalal sa midterm elections sa susunod na taon. 


Isang malaking hakbang ito patungo sa 2025 midterm elections na ang layunin ay manalo ang mga aspirante mula sa pambansang antas hanggang sa lokal na antas na susuporta at tutulong sa pagpapatuloy ng mga magagandang plano at programa ng ating Pangulo. 


Sa ngayon ay masasabi nating nasa tamang direksyon ang Lakas-CMD na pinakamatibay na partidong pulitikal sa bansa sa kasalukuyan at inaasahang pinakamatatag sa darating na eleksyon. 


Lalo na at nagsanib-puwersa ito sa partido ni PBBM, ang PFP kaya dumoble pa lalo ang lakas ng Lakas-CMD. 


Nakakatuwa at punung-puno ang pinagdausan ng pagsasanib-puwersang ito dahil sa napakaraming congressmen na nagsidalo mula sa Lakas-CMD at mga gobernador mula sa iba’t ibang lalawigan na mga kasapi sa PFP. 


Ngayon pa lamang ay nakikita na ang tagumpay ng alyansang ito dahil ang panalo rito ay ang taumbayan na umaasang isang araw ay pangarap na makaranas ng pag-unlad hindi lang sa personal na kabuhayan kundi sa buong bansa. 


Isa sa ipinagpapasalamat pa natin ay ang mapabilang tayo sa ganitong alyansa na pinopostehan ng mga matitikas na pulitiko sa bansa at kilala sa mahusay na serbisyo-publiko kaya kampante ako na nasa mabuting kamay ang ating mga kababayan. 


Bentahe at sa maagang panahon ay naisaayos na ang pinakamalakas na alyansa dahil mas napaghahandaan ang tamang direksyon ng bansa at hindi magkukumahog kung kailan nasa harap na ang problema. 


Sa kaso ko na lamang, puwede na akong hindi dumalo sa ginanap na pagsasanib-puwersa dahil sa aking kalagayan na hindi pa makalakad ng maayos ngunit ayokong palampasin ang makasaysayang alyansa na hindi ko personal na masaksihan dahil simula 1994 ay kaanib na ako ng Lakas at hindi tayo nagpalipat-lipat ng partido kahit kailan. Tatlumpung taon na nga pala ako ngayong taon sa Lakas. 


Iba’t ibang emosyon ang naranasan sa ginanap na alyansa ng dalawang pinakamalakas na partido sa bansa, ngunit lahat ay positibo na magbubunga ng mabuti ang alyansang ito na may iisang adhikain — ang mapabuti ang kalagayan ng bansa. 


Inaasahang habang papalapit nang papalapit ang eleksyon ay magkakaroon ng maraming lipatan sa iba’t ibang partido ngunit nakakatuwang makita na sa ganito kaaga ay establisado na ang Lakas-CMD na ngayon ay dumoble pa, lumakas pa dahil dito. 


Wala namang hangad ang alyansang ito kundi ang kapanatagan, kapayapaan at pagkakaisa at magkaroon ng mga maaasahang pagpipilian sa darating na halalan. 


Kaya nga ngayon pa lamang ay nagbubunyi na ang marami sa ating mga kababayan dahil ang mga mahuhusay na nagserbisyo sa kanilang panunungkulan ay kabilang sa alyansang ito na handang ipagpatuloy ang progresibong paglilingkod sa bayan. 


Para makatiyak — suportahan natin ang alyansang ito na tunay na nagkakaisa at handang ipagpatuloy ang plano at programa ng pamahalaan tungo sa ikauunlad ng bayan.  


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page