Sandamakmak na deputy speakers ni Velasco sa Kamara...

Pang-Guinness Book of World Records ang eskandalo!
ni Ka Ambo - @Bistado | December 11, 2020
Nakukunsume na rin ang political analyst na si Mon Casiple sa sandamakmak na deputy speakers sa Kamara.
Maituturing daw na eskandalo ang 29 deputy speakers.
Wow, pang-Guinness Book of World Records ‘yan!
◘◘◘
Ayon kay Casiple hindi kailangan ng ganun karaming deputy speakers dahil wala namang naipakitang nagagawa.
Habang dumarami ang itinatalagang ang DS (deputy speaker, hindi po deposit slip) ay dumarami rin ang gastos!
◘◘◘
Pinarami ang DS upang mabigyan ni Speaker Lord Alan Velasco ang kanyang mga amuyong.
“It’s a very partisan move. Wala namang malaking nagawa, naging hatian lang ng pera”, patutsada ni Casiple.
◘◘◘
Siyam ang huling nadagdag na DS ni Velasco bilang bayad-suporta sa maniobrahan sa speakership.
Kabilang dito sina ay Arnolfo Teves Jr, Negros Oriental 3rd District; Rimpy Bondoc, Pampanga 4th District; Bernadette Herrera Dy, Bagong Henerasyon; at Kristine Singson Meehan, Ilocos Sur 2nd District.
Gayundin sina Divina Grace Yu, Zamboanga del Sur 1st District; Rogelio Pacquiao, Sarangani; Bienvenido Abante, Jr., Manila 6th District at ang dalawang kapwa kinatawan ng Valenzuela na sina 2nd District Rep. Weslie Gatchalian at 1st District Rep Eric Martinez.
◘◘◘
Si Teves ang unang nagpalutang sa isyung hindi patas na hatian sa pondo ng mga mambabatas sa ilalim ng pamumuno ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano.
Pero nang maipasa ang P4.5-trillion 2021 budget sa ilalim ni Velasco ay mas tumaas pa ang budget ng mga kongresista na nabigyan ng P650-M hanggang P15-B bawat isa na infra allocation.
◘◘◘
Malaki ang papel na ginampanan ng malakas na signal ng internet sa panahon ng pandemic.
Ini-report ng Ookla noong nakaraang buwan na mas bumilis ang internet ng Pilipinas.
Ang Ookla ang awtoridad sa Internet access performance metrics o speed test ng iba’t ibang bansa!
◘◘◘
Mahalagang magtuwang ang gobyerno at pribadong sektor upang mapagbuti ang serbisyo sa telecom.
Pumapalo na sa 28.69 Mbps ang average download speed ng fixed broadband ng bansa mula sa dating 7.91 Mbps.
◘◘◘
Tumodo naman sa 18.49Mbps ang overall performance ng mobile network mula sa dating 7.44Mbps noong 2016.
Kung dati’y gumagapang o putul-putol ang panonood natin ng kahit isang maikling video sa internet, ngayon ay puwede na tayong makatapos ng isang buong movie sa Netflix.
Weh, ‘di nga!
◘◘◘
Inaasahang bibilis pang lalo ang internet signal sa pagpasok ng Dito Telecommunity bilang third telco player.
Pinagbuti naman agad ng Globe at Smart ang kani-kanilang serbisyo dahil sa pagpasok ng third telco!
◘◘◘
Alam ba ninyong ng pumalo sa mahigit P120 bilyon ang investments ng Globe at Smart para sa telco infrastructures and services ngayong 2020 lang?
Ang South Korea, na pang-apat sa may pinakamabilis na internet network ay may mahigit P1 trilyon ang gastos sa telco infrastructures!
◘◘◘
Sa 2021 budget, nasa P902 milyon lang pala ang budget para sa National Broadband Network.
Malayung-layo ito sa spending ng South Korea!
◘◘◘
Sabi nga sa commercial, saan makararating ang bente pesos?
Kung gusto nating maging world class, lakihan dapat ang badyet sa telco infrastructures.
‘Yan ang aktuwal na good investments!





Comments