top of page
Search
  • BULGAR

Sambo World Medalist Sy sasabak sa World Jrs. C'ships

ni Gerard Arce - @Sports | October 12, 2020




Tatangkain ni 4-time World Sambo Championship bronze medalist Sydney Tancontian Sy na mas mahigitan pa ang mga nakuhang karangalan sa darating na bagong edisyon nito simula Nobyembre 5-8 sa Novi Sad, Serbia, kahit pa man may nararanasang mahirap na sitwasyon ang buong mundo dulot ng novel coronavirus disease (Covid-19) pandemic.


Kaakibat ng World Championship ay ang naipagpalibang World Youth and Junior Sambo Championships, kung saan huling beses ng sasalang ang 20-anyos na tubong Davao City na si Sy (+80kgs), kasama ang kanyang kapatid na si 2019 Southeast Asian Games Sambo Sport gold medalist Chino Sy (-90kgs), Davaoeno Cresente Narvaez (-64kgs) at newest member Troy Legaspi (-60kgs).


Gayunman, tila mag-isa na lamang sasabak ang 30th SEAG Kurash +78kgs women’s bronze medalist na lalahok sa naturang kumpetisyon, kasunod ng pagkaka-problema ng tatlong manlalaro sa kanilang Visa at pinansyal na aspeto.


Inihayag ni Pilipinas Sambo Federation Inc. (PSFI) secretary general Paolo Tancontian na lumalabo na ang tsansang makasama pa sa kompetisyon sina Sy, Narvaez at Legaspi dahil sa kakulangan ng pinansyal na tulong, gayundin ang pagkaka-antala ng Visa na kailangan pang iproseso sa Indonesia, dahil walang Embassy ang Serbia sa Pilipinas.


Medyo alanganin ng matuloy pa ‘yung tatlong athletes natin, kase mahirap kumuha ng Visa na ipapadala pa natin sa Indonesia, then balik ulit dito, matagal ang proseso. Isa pa we’re still waiting for the financial support na ni-request namin sa Philippine Sports Commission (PSC). Hopefully makaabot,” pahayag ni Tancontian sa panayam ng Bulgar Sports sa telepono. “Mahirap din kase ang sitwasyon ngayon kase may pandemya. Pero kailangan naming ipush na makasali si Sydney kase malaki ang chance talaga niya na mag-medal at manalo doon,” dagdag ng dating national team member ng Judo, na tanging ang sophomore student-athlete mula University of Santo Tomas at si head coach Ace Larida na lamang ang lilipad patungong Serbia.


Ito ang huling pagkakataon na lalahok sa junior level si Sy kasunod ng mga bronze medal finishes sa 2019 World Youth and Juniors Sambo Championships sa Tashkent, Uzbekistan, World Sambo Championships noong 2018 na ginanap sa Bucharest, Romania, gayundin sa 2019 Sambo World Cup Kharlapiev Memorial Competition sa Moscow, Russia at World Sambo Championships sa Seoul, South Korea.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page