Sama-samang pagkilos laban sa climate change
- BULGAR
- Mar 16, 2022
- 4 min read
ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | March 16, 2022
Sa napakaraming problemang nagsusulputan sa bansa ay tila saglit tayong nawawala sa pagtutok kung paano ireresolba ang lumalalang sitwasyon hinggil sa climate change na hindi na mapigilan ang mga kaganapan at kasalukuyan nang nangyayari.
Huwag sanang mawaglit sa isipan ng ating mga kababayan na ang Pilipinas ay itinalang pang-17 sa buong mundo na pinakaapektado ng mga kalamidad base sa pinakahuling ulat ng Global Climate Risk Index noong nakaraang taon.
Ibig sabihin nito, talagang nararanasan na natin ang climate change kaya nga may ginagamit na tayong klasipikasyon na Corona’s four type of climate types (Types I-IV) base sa buwanang nararanasan nating klase ng klima sa loob ng isang taon.
Ang isang lalawigan ay ikinukonsiderang Type I climate kung nakararanas ng kakaibang init ng panahon na nagdudulot ng pagkatuyo ng lupa na sinasabayan ng mga hindi inaasahang pagbuhos ng ulan; karaniwan kasi na tag-ulan ang panahon ng Hunyo hanggang Nobyembre.
Ang Type II climate naman ay kung nakararanas tayo ng maalinsangang panahon at wala talagang pagbuhos ng ulan sa buong taon at nagkakaroon lamang ng pag-ulan sa buwan ng Nobyembre hanggang Pebrero.
Itinuturing namang Type III climate kung napakaikli ng panahon ng tag-init na karaniwang nagaganap sa mga buwan ng Pebrero hanggang Abril, samantalang ang Type IV ay ang regular na pag-ulan sa buong taon na tila sinadya ang pagkakatakda ng panahon sa pagbuhos ng ulan sa buong taon.
Marami kasi sa ating mga kababayan ang tila binabalewala ang climate change kahit paulit-ulit itong pinag-uusapan dahil nais nilang magkaroon muna ng personal na epekto sa bawat indibidwal bago pa tuluyang kumilos at hindi alintana ang kabuuang epekto nito sa mundo.
Dapat ay maliwanagan ang marami pa sa ating mga kababayan na ang climate change ay ang pagbabago ng klima o panahon dahil sa pagtaas ng mga greenhouse gases na nagpapainit sa buong mundo na kasalukuyang nararanasan na ng marami.
Nagdudulot ito ng iba’t ibang klase ng sakuna tulad ng heatwave, baha at tagtuyot na maaaring humantong sa pagkakasakit o pagkamatay dahil kung patuloy na tatas ang temperatura ng mundo ay dadami ang kaso ng mga sakit kagaya ng dengue, diarrhea, malnutrisyon at marami pang iba.
Alalahanin natin na mismong ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ay naniniwalang ang hindi karaniwang lakas ng Bagyong Yolanda, Odette at iba pa na tumama sa bansa ay bahagi na ng climate change.
Base sa pag-aaral ng PAG-ASA, dalawa ang pangunahing sanhi ng climate change na dapat ay maging malinaw sa ating mga kababayan upang kahit paano ay maibsan ang paglala nito.
Ang una ay ang natural na pagbabago ng klima ng buong mundo nitong mga nagdaang matagal na panahon dahil sa sama-samang epekto ng enerhiya mula sa araw, pag-ikot ng mundo at sa init na nagmumula sa ilalim ng lupa na nagpapataas ng temperatura o init sa hangin na bumabalot sa mundo.
Ikalawa ay ang gawain ng mga tao na nagbubunga ng pagdami o pagtaas ng carbon dioxide at iba pang greenhouse gases (GHGs) na siyang nagkukulong ng init sa mundo na kung hindi talaga mapipigil ay baka kung saan na tayo pulutin paglipas ng panahon.
Maging ang pagbuga ng carbon dioxide ng mga sasakyang gumagamit ng gasolina, ang pagpuputol ng mga puno na inaasahan nating mag-aalis ng carbon dioxide sa hangin at ang pagkabulok ng mga bagay na organic na nagbubunga ng methane na isa pang uri ng GHGs ay ilan sa mga sanhi ng climate change.
Ayon sa pahayag ng United Nations (UN) para mapanatili nating maayos ang klima ng mundo, ang greenhouse-gas emissions ay kailangang maibaba sa net zero bago pa sumapit ang taong 2050 dahil kung hindi ay tiyak na wala nang titirahan pa ang susunod na lahi.
Ang kanila ngang panawagan ay mabilisan at malawakang pagkilos na ang dapat gawin na dapat pangunahan ng pamahalaan at mga negosyante ngunit para makamit natin ang low-carbon sa kapaligiran ay kinakailangan ang partisipasyon ng lahat lalo na yung mauunlad na bansa.
Kung pagbabasehan natin ang paggalaw ng UN ay mararamdamang nasa kritikal na kondisyon na ang ating planeta dahil ang climate change ay nagpapataas din sa kaso ng kahirapan sa maraming bansa sa buong mundo.
Maging ang World Bank ay nagpahayag na ang climate change ay maaaring magdulot ng pagkagutom sa mahigit sa 100 milyong katao sa buong mundo sa taong 2030 kung hindi natin matutugunan ang problemang ito na binalewala lang ng ilan.
Ang climate change ay isang phenomenon na labis talaga ang epekto sa buong Pilipinas at mahihirapan tayong tugunan ang kahirapan, pagkagutom, kalusugan, kaligtasan at ibang suliranin na maaari nating kaharapin kung babalewalain lang natin ang nakakatakot na problemang ito.
Sa ngayon ay masasabi nating ang kinabukasan ay hindi tiyak dahil sa matinding pagsubok na ating kinaharap sa ating kapaligiran at ang pinakamabuti lamang gawin ay turuan natin ang ating mga sarili na maging disiplinado at huwag maging bahagi ng pagkasira pa ng mundo.
Marahil ay abala ka sa maraming bagay sa ngayon at hindi alintana ang climate change ngunit nais kong ipabatid sa iyo na emergency na ang sitwasyon at dapat lahat ay kumilos na bago mahuli ang lahat.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments