Sama-sama, tulung-tulong sa Cavite
ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | June 27, 2022
Muli ay napatunayan na ang lalawigan ng Cavite ay may pagkakaisa at minsan pa itong napatunayan ng buong probinsya nang magpakita ng suporta at maipanalo si President-elect Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. (PBBM).
Ngayon ay muling nabuo ang Cavite na saglit pinaghiwalay-hiwalay ng pulitika, lalo na sa mga bayan-bayan at nakakatuwang makita na kahit dahan-dahan ay nagkakaisa nang muli ang buong lalawigan.
Noong nakaraang Hunyo 20 ay pinamahalaan ng inyong lingkod ang inagurasyon ng mga bagong halal na opisyal sa Dasmarinas City at bilang Senador na taga-Cavite ay damang-dama natin ang suporta at pagmamahal ng mga taga-Dasmarinas sa mga nanalong kandidato.
Nanumpa sina Dasmarinas Mayor Jenny Barzaga, Vice Mayor Rex Mangubat, Representative Pidi Barzaga, Board Member Nickol Austria, Board Member Fulgencio dela Cuesta, Jr. at mga konsehal na sina Kiko Barzaga, Teofilo Lara, Rey Canaynay, Robin Chester Catimbuhan, Martin Reyes, Jerome Gonzales, George Magno, Kevin Tapawan, Glenn Malihan, Mamerto Noora, Eric Aledia at Aquino Garcia.
Kilalang maunlad na siyudad ang Dasmarinas dahil nandito ang mga kilalang unibersidad sa bansa at mga naglalakihang establisimyento na inaasahang mas uunlad pa dahil sa napakagandang line-up na ibinoto ng mga taga-Dasmarinas.
Noong Sabado ay pinamahalaan din natin ang oath taking ng mga bagong halal sa bayan ng Noveleta, ang pinakamaliit na munisipalidad sa buong lalawigan ng Cavite at may layong 26 kilometro lamang mula sa Metro Manila.
Kasama sa mga nanumpa sa kanilang tungkulin sina Noveleta Mayor Dino Reyes Chua at mga konsehal na sina Katherine Bernal-Butawan, Emelito S. Lontoc, Donn Louie Alvarez, Edwin Salud, Ronnel A. Lamit, Ricky O. Saria, Dave Manalo at Joshe Lorenz Reyes.
Kasunod nito ay personal din nating tinungo ang Cavite City, isang 4th class component city sa bansa na ayon sa census ay may 100,674 lamang ang populasyon at patuloy na rin ang pagdami at pag-unlad.
Ang inyong lingkod mismo ang nangasiwa sa oath taking ng kanilang mga bagong halal na opisyal na pinanguhan ni Cavite City Mayor Denver Christopher Reyes Chua, Vice Mayor Benzen Raleigh, Rusit at mga konsehal na sina Maureen Lu, Aeign Zackrey Nash Aguas, Edmund Tirona, Renan Montoya, Marrian Pinzon, Eduardo Novero, Jr., Franklyn Nuguid, Marc Lawrence Serrano at Mark Anthony Amparo. Dito rin nanumpa si Cavite First District Representative Ramon Jolo Revilla, III.
Hindi rin matawaran ang dami ng mga tagasuporta na dumalo sa nasabing inagurasyon at kitang-kita rin ang kanilang pananabik na mas lalo pang mapaunlad ang kanilang lugar.
Ngayong araw ng Lunes ay tayo rin ang mangangasiwa sa inagurasyon ng mismong Gobernador ng Cavite na si Jonvic Remulla na karaniwang isinasagawa sa simbahan ng Tanza, Cavite na pinaniniwalaang nagbibigay ng patnubay sa maayos na pamamahala.
Bukas araw ng Martes ganap na alas-8: 00 ng umaga ay pangangasiwaan din natin ang nakatakdang inagurasyon naman ng mga halal na opisyal ng Bacoor City sa simbahan ng St. Michael the Archangel sa pangunguna ni Mayor Strike Revilla, Vice Mayor Rowena Mendiola, 2nd District Representative Lani Mercado-Revilla, Board Member Ram Revilla, Board Member Edwin Malvar at mga konsehal na sina Karen Sarino Evaristo, Rey Palabrica, Levi Tela, Alde Pagulayan, Rey Fabian, Simplicio Domingo, Robert Advincula, Bok Nolasco, Adriel Gawaran, Toto Guerro, Alex Gutierrez at Mike Solis.
Napakarami ng ating dinadaluhang inagurasyon at may mga ibang halal na kandidato rin mula sa ibang lalawigan ngunit siyempre ay mas malapit sa ating puso ang lalawigan ng Cavite kung saan ako lumaki, naging artista, nagsimula sa paglilingkod-bayan hanggang sa maging Senador.
Halos iisa naman ang direksyon ng mga isinasagawang programa sa mga inagurasyon, ngunit hindi nawawala sa aking mga pananalita bilang tagapangasiwa ang katagang pagkakaisa na nais kong isabuhay at panghawakan ng mga Kabitenyo.
Walang mararating ang kahit sinong mga mahuhusay na tagapamahala kung hindi makikiisa ng taus-puso ang sambayanan kaya sa simula’t simula pa lamang ay ito na ang aking panawagan.
Hindi ba’t ganito rin ang panawagan ni P-BBM sa simula hanggang sa magtapos ang kanyang pangangampanya hanggang sa ngayon na siya na ang nanalong Pangulo ng bansa at nakatakda na ring isagawa ang inagurasyon ngayong Hunyo 30.
Unity, sama-sama, pagkakaisa sa halip na pagkakawatak-watak -- ito ang ehemplong nais nating simulan sa lalawigan ng Cavite at naniniwala akong marami ang makikiisa dahil lahat tayo ay may iisang pangarap na mas lalo pang mapaunlad ang minamahal nating lalawigan.
Hindi naman maiiwasan na may ilang grupo na sa halip na makiisa ay mas nais pang pumagitna sa kalye para kundinahin ang bagong pamahalaan na hindi pa nagsisimula ay hinuhusgahan na agad at ayaw bigyan ng pagkakataon.
Pero sa Cavite, paiiralin ang pagmamahalan, pagtutulungan at masusing pagsisikap sa pagtupad ng mga sinumpaan tungkulin ng ating mga lingkod-bayan.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments